File copy of the late Vice Mayor Roy Laynes

VIRAC, CATANDUANES – Sa kabila ng usap-usapan na  dengue nag-ugat ang paglala ng karamdaman ni dating Vice Mayor Roy Laynes hanggang sa ito ay mamatay, mariin itong itinanggi ng dating alkalde ng Virac na si Samuel Laynes.

Ayon sa kanya, hindi umano niya nalaman na nagka-dengue ang kanyang kapatid at hinihintay pa rin ng pamilya ang opisyal na report ng UST Hospital sa Maynila sa totoong sanhi ng pagkamatay nito.

Batay sa impormasyon ng pahayagang ito, tinamaan ng dengue ang dating Vice Mayor, ngunit ayon sa kanyang malalapit na kaibigan, gumaling umano ito sa dengue. Ganoon pa man, nagkaroon umano ito ng ibang komplikasyon hanggang sa ibiyahe patungong Legazpi City at hanggang sa Maynila kung saan siya tuluyang namatay.

Kinumpirma ni Mayor Samuel Laynes na pasado ikasampu ng gabi noong July 25, 2019 nang malagutan ng hininga ang kanyang nakababatang kapatid.

Si Roy Laynes ay unang sumbak sa pulitika noong 1998 kung saan nahalal siya bilang konsehal ng Virac. Dahil sa ipinakitang pagtupad sa tungkulin, muli siyang nahalal sa kaparehong tungkulin noong 2001 at 2004 elections. Gumradweyt siya bilang konsehal at nanalo bilang vice mayor noong 2007 elections kung saan nanungkulan siya sa tatlong magkasunod na termino hanggang 2016. Inasahan ang kanyang paglahok para sa Mayoralty race ng Virac noong 2016 ngunit ang kanyang Kuya Samuel Laynes ang umentra sa pulitika at naupo siya bilang Municipal Administrator nito hanggang noong June 30, 2019.

Inamin ng dating alkalde na ang kapatid na si Roy Laynes ang sa maraming pagkakataon ay naging adviser niya. “Bilang isang seasoned politician.”

Dagdag pa ni Mayor Sam, normal umano ang kanilang samahan kagaya ng ibang magkakapatid. “We bond, we play, we argue. At magkaiba rin ang aming approach sa pulitika. He is more of this ‘pang-masa’ type who has always a ready smile for everyone, samantalang medyo seryoso naman ako.”

Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa inaanunsyo ng pamilya kung kalian at saan ihahatid sa huling hantungan ang dating bise alkalde.Samantala, pag-uusapan ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ang isang parangal na ipagkakaloob sa dating presiding officer. Ayon kay Vice Mayor Arlynn Arcilla, magpapatawag umano siya ng meeting upang pag-usapan ang nasabing aktibidad.

Advertisement