VIRAC, CATANDUANES – Inihain ni East District Board Member (PBM) Edwin Tanael ang isang panukalang kilalanin bilang tourism capital ng lalawigan ang bayan ng Baras.
Ayon kay PBM Tanael, ang Baras ay isa sa pinakamaraming turistang pumapasyal kumpara sa ibang bayan sa lalawigan. Dahil umao ito sa maraming tourism destinations na siyang paboritong puntahan ng mga taga ibang lugar maging ng mga Catandunganon.
Kabilang bilang umano rito ang mga tourist spots kagaya ng Abihao Beach sa Barangay ng Abihao, Balakay Point na matatagpuan sa barangay Benticayan, Binurong Point sa barangay Guinsaanan, Macutal Falls sa barangay ng Macutal, Penafrancia Shrine sa barangay Danao at ang Puraran Beach Resort sa barangay Puraran.
Ang Puraran, ayon kay Tanael, ay kilala bilang isa sa surfing destinations sa buong mundo na namayagpag dahil sa maigting na kampanya ni dating Baras Mayor, dating Vice Governor at ngayon Congressman Jose ‘Bong’ Teves, Jr. Dito rin aniya naisagawa ang international surfing competition sa panahon ni dating gobernador Jun Verceles.
Sa pagkilala sa Baras bilang tourism capital ng probinsiya, maari umano nitong mapalago ang kabuhayan ng mga residente hindi lamang ng barangay Puraran kundi maging ng buong munisipyo. Maliban dito, tataas din umano ang revenue collections ng LGU, at siyempre, magiging bukambibig ito kung magkakaroon pa ng additional infrastructure build-up at comprehensive tourism promotion.
Sa naging talakayan sa SP, binasa ni PCL President at Ex-officio member Allan Del valle ang mga requirements para masabing ganap na tourism capital ang isang lugar. Nilinaw ni Delvalle na hindi siya tutol sa panukala, subalit ipinaalala nito ang ilang dapat bigyan ng pansin ng nasabing bayan.
“There are 5 A’s Tourism requirement before we can declare Baras as tourism capital of the province,” ayon kay Del Valle. “ First A is for Attraction, and based on the enumerated attractions we have in Baras, no doubt Baras will pass this first A. Second A is for Activities which I also think Baras will get no problem. Third A is Accommodation, and I don’t think Baras can make it. Fourth A is Access which I agree Baras is accessible. And the last A is Amenities which I believe Baras falls short”, paglalahad ng PCL President.
Accommodation at Amenities ang nakikitang problema ni Del Valle sa hakbang na isinusulong ni Tanael. Maliban sa iilang beach house mayroon ang Puraran, wala nang ibang maaring matuluyan ang mga turista sa nasabing bayan. Sa Amenities, walang hospital sa Baras at malaki umanong bagay iyon na maaring makahadlang sa plano.
Ngunit ayon kay Tanael, marami umanong bahay sa Puraran na binubuksan upang tumanggap ng mga panauhin, lalo na sa mga panahong dumadagsa ang mga turista.
Ganoon pa man, dadaan sa masusing deliberasyon ang panukala ni Tanael. Ayon kay Presiding officer Raffy Zuniega, mas maigi umanong makuha rin ang opinion ni Provincial Tourism Officer Carmel Bonifacio.Una ng ipinatawag si Garcia para ilahad umano ang short term at long term tourism plan, subalit hindi pa ito sumipot sa unang schedule.