Virac, Catanduanes- Inilahad ni Atty. Posoy Sarmiento ang kanyang unang isang buwang panunungkulan bilang alkalde ng Virac.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko sinabi ng alkalde na nasa adjustment period siya at kinakapa ang mga detalye ng kanyang trabaho na malaki umano ang pagkakaiba sa private practice bilang abugado sa nakalipas na mga taon.

Ayon sa opisyal, ang unang dalawang linggo ay inilaan niya sa pamamagitan ng dayalogo sa mga heads of offices maging mga empleyado at ang mahabang pirmahan sa tanggapan, courtesy calls ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan maging ang inventory sa mga iniwang proyekto at programa ng nagdaang administrasyon.

Sa ikatlong linggo, ginugol niya umano ito sa training ng mga bagong hepe ehekutibo sa Metro Manila, kasama ang iba pang mga alkalde sa buong lalawigan. Sumunod umano rito ang imbitasyon para sa mga oath taking sa iba’t ibang Parents Teachers Association (PTAs). Ayon sa kanya, ang imbitasyong ito ay naging daan din upang makapagpasalamat personal sa mga naniwala at sumporta sa kanyang kandidatura.

Inamin ng alkalde na halos wala pa siyang nagagawa para sa mga repormang kanyang nais ipatupad sa bayan ng Virac at inaasahang maisasakatuparan ito sa mga susunod na araw. Tugon ng alkalde sa mga kritiko, hindi umano tumitigil ang serbisyo ng lokal na pamahalaan sa mga pangangailangan ng publiko.

Kasama sa mga isyung kinakaharap ng lokal na pamahalaan ay ang isyu sa tricycle at ang kontrobersiyal na  dengue, kung saan ang Virac ang ikalawa sa may pinakamataas na numero sunod sa bayan ng San Andres na merong 272 mula noong Enero hanggang Hulyo.

Sa tanong kung posibleng ideklara din ang bayan ng Virac sa state of calamity dahil sa dengue kagaya ng San Andres, ayon sa alkalde, humingi na siya ng datus mula sa Municipal Health Officer na si Dr. Elva Joson. Pinag-aaralan na rin umano ng Sangguniang Bayan ng Virac ang tungkol dito bilang collegial body na siyang dedeklara ng naturang sitwasyon.

Kaugnay nito, hiniling ng alkalde sa mga mamamayan na makiisa sa pagpuksa ng lamok na nagdadala ng dengue sa pamamagitan ng paglilinis sa kani-kanilang kabahayan. At pagprotekta na rin sa sarili gamit ang mga insect repellant o pag susuot ng mga damit na makakaprotekta sa kagat ng lamok.

Samantala, sa usaping pangkabuhayan, sinabi ng alkalde na kanya ng ipinag-utos sa Municipal Agriculturist ng Virac na magkaroon ng komprehensibo scheme kung papano magkaroon ng pangmatagalang programa ang usapin sa agrikultura. Kasama umano rito ang demo farm na siyang magiging food basket ng barangay. Dapat umano hindi lamang pang personal na konsumo ito kundi pwedeng maging komersyo.

Sa panig ng turismo, kanya umanong sinusulong sa ngayon ang paghahanda sa pagbubukas ng sa bahagi ng Marilima at Batag area. Isa umano sa potential tourism destination ang naturang lugar kung saan makikita ang magagandang isda sa pamamagitan ng snorkeling.

Binigyang diin ng alkalde na  gusto niya sakaling magbubukas ng tourist destination kailangan handa ang lugar at hindi sa larawan lamang upang hindi magkaroon ng frustration sa mga turista. Nais niya ring maging fishpond ng Virac ang Sto. Domingo River sa pamamagitan ng pagkakaroon ng restriction sa mga illegal fishing. Magkakaroon umano ng mga fingerlings sa naturang lugar at isasarado ito sa loob ng ilang buwan at posibleng maging farm tourism.

Inamini ng alkalde na marami pang dapat gawin upang maisakatuparan ito, subalit sa loob ng tatlong taon makikita umano ng Viracnon ang mga repormang nais niyang mangyari sa bayan ng Virac. (Ulat ni Sarah Todoc)

Advertisement