VIRAC, CATANDUANES – Tatlong lalaki mula sa iba’t-ibang bayan ng Catanduanes ang tumanggap ng hatol matapos mapatunayan na ang mga ito ay nagkasala sa iba’t-ibang paglabag na may kaugnayan sa droga.
Si Ricardo Usero alyas Pay Cards ay ipinagharap ng mga kasong illegal possession of dangerous drugs at illegal possession of drug paraphernalia noong 2014 matapos ang matagumpay na pagsisilbi ng Search Warrant sa kanyang tahanan sa barangay Asuncion mula sa bayan ng Viga. Sa unang kaso, nagtamo siya ng parusang 12 hanggang 14 years imprisonment at kailangan din niyang magbayad ng multang hindi bababa sa tatlong daang-libong piso (Php300,000.00). Sa ikalawang kaso, anim na buwan hanggang dalawang taon naman at sampung libong pisong multa ang iginawad sa kanya.
Samantala, illegal possession of dangerous drugs, illegal possession of drug paraphernalia at maintenance ng drug den ang mga kasong isinampa laban kay Martin Camatoy alyas Atin ng barangay Roxas mula rin sa bayan ng Viga. Taong 2015 nang dakpin si Camatoy matapos magpositibo ang service of search warrant laban sa kanya. Maliban sa droga, nasamsam din mula sa kanya ang sangkatutak na mga paraphernalia na pinaniwalaang ginagamit sa droga. Dahil ditto ay ipinaghabla rin siya ng pagpapatakbo ng isang drug den. Sa unang kaso, 12 to 14 years din ang hatol kay Camatoy at Php300,000.00 na multa. Sa ikalawang kaso, 6 months to two years at sampung libong multa, ngunit pinawalang-sala siya sa kasong maintenance of drug den dahil ayon sa korte, hindi sapat ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon upang madiin din siya sa nasabing kaso.
Sa kabilang dako, pinayagan naman ng Korte na pumasok sa Plea Bargain Agreement ang drug accused na si Rommel Pelo Alyas Ambo. Sa Plea Bargain Agreement, ang kanyang kasong Sale of dangerous drugs ay bumaba sa possession of dangerous drugs at ang possession of dangerous drugs ay bumaba sa possession of drug paraphernalia.
Sa pag-aapruba ng RTC Branch 43 sa inihaing Plea Bargain ni Pelo, ilang mahahalagang bagay ang binigyang-diin ng husgado, kabilang na ang hindi pagiging recidivist or habitual offender ng akusado at napatunayan din na hindi siya kilalang drug addict at trouble maker sa kanilang lugar.Sa Sale of Dangerous Drugs na naibaba sa possession of dangerous drugs, nagtamo ng parusang 12 to 14 years si Pelo at multang Php300,000. Anim na buwan naman hanggang dalawang taon at multang sampung libong piso ang tinanggap niyang parusa sa ikalawang kaso.