VIRAC, CATANDUANES – Idinetalye sa media ng pangunahing suspek sa pamamaslang sa guro ang mga dahilan kung bakit napaslang niya ito.
Sa ekslusibong panayam ng Bicol Peryodiko kay Manuel Jose Omigan, 18 anyos, residente ng San Isidro Village, Virac, inilahad nito ang mga pangyayari na humantong sa kanyang pagkakapatay sa event host at teacher ng Catanduanes National High School (CNHS) na si Donn Carlos Bagadiong.
Salaysay ni Omigan, hapon pa lamang noong Nobyembre 1, 2019 ay magkatext na umano sila ni Bagadiong. “Tapos inagda niya ako na maibahan kami, nag-oho man ako,” ayon sa binata.
Patuloy niya, sinundo umano siya ni Bagadiong sa may DPWH Office. “Nag-rides kami tapos nagkaon nin footlong. Tapos, nagpunta na kami sa Valencia. Diretso sa taas, sa kwarto nya.”
Sa kwarto, uminom umano sila ng beer. “Nakiinom man sana ako sa beer nya. Banga-banga kami.” Pagkatapos uminom bumaba umano para mag-CR si Bagadiong. “Tapos ako naghigda na ta poypoy na man. Aban-aban, naglaog siya, yabiyawan ako nin tarom. Pig deadma ko lang. Pero kan nagkusog na boses niya ,nakiagawan na ako sa tarom.” Bumalandra daw sila habang nag-aagawan sa patalim hanggang sa sila ay bumagsak sa sahig. “Ako an naibabaw, tapos naagaw ko saiya so tarom.” At saka niya umano inundayan nang inundayan ng taga ang biktima.
Patay na si Bagadiong nang kanya umano itong iwanan. Inamin niya na dinala niya ang CP at Laptop ng teacher. Ayon kay Omigan, “Gabasol man ako na nagibo ko yon.”
Samantala, hindi sang-ayon ang mga kaanak at mga kaibigan ni Bagadiong sa alegasyon ni Omigan tungkol sa self-defense. Ayon sa kanila, wala umanong kapasidad si Doon Carlos na humawak at mang-amba ng patalim dahil napakabait umano nitong tao. Hinimok nilang magsabi lamang ng katotohanan ang suspek.
Sa pamamagitan ng isang inquest case proceedings, kinumpirma ni Acting Chief of Police Bon Billy Timuat na naisampa na sa piskalya ang kasong Murder laban sa suspek noong alas otso ng gabi ng Miyerkoles Nobyembre 6 habang inihahanda pa ang kasong robbery laban sa suspek.
Ayon kay Timuat, itinuturing nilang resolbado na ang naturang kaso matapos na personal at malakas ang kanilang mga ebidensya upang idiin ang suspek. Nagpapasalamat ang pamunuan ng PNP dahil sa mabilis na kooperasyon ng mga testigo.
Sa kabilang dako, pinuri naman ni Mayor Posoy Sarmiento ng Virac ang mabilis na aksyon ng PNP sa naturang insidente.
Sa kabilang dako, naihatid na sa huling hantungan si Bagadiong by sunset noong Nov. 7, 2019 sa Magnesia Public Cemetery. Nanawagan din ang pamilya ni Bagadiong sa publiko at mga netizens na mag-ingat sa pagbibigay ng mga komento at pagpu-post ng mga detalye sa facebook na umano’y walang katotohanan at nakakasira lamang sa imahe ng namayapa.