VIRAC, CATANDUANES – Tinuligsa ni Provincial Board Member (PBM) at SP Health Committee Chair Dr. Santos Zafe ang bahagi ng pahayag ni Provincial Health Officer at Task Force EBMC chair Dr. Hazel Palmes kaugnay sa status ng pagamutan.
Sa programang State of the Province Address sa Radyo Peryodiko at sa panayam ng Bicol Peryodiko, pareho ang naging pahayag ni Dr. Palmes na walang dapat ikabahala ang mga mamamayan ng Catanduanes dahil wala naman umanong nabago sa serbisyo ng EBMC sa kabila ng pagkaka-downgrade nito mula sa level 2 patungo sa level 1. Dagdag pa ng opisyal
Bilang reaksyon, kinuwestyon ni PBM Zafe ang naging pahayag ni Dr. Palmes. Ayon sa bokal, isa umanong misinformation ang pahayag na ito na tila lalong nagpapagulo sa pang-unawa ng publiko. “Sana sabihin niya kung ano talaga ang totoo,” hamon ni Zafe.
“Kaya nga na-downgrade kasi may mga problema.” Dapat aniyang ibigay ang tunay na impormasyon at kung ano ang pagkakaiba ng level 1 sa level 2. Dagdag pa ng opisyal kalidad umano ng serbisyo ang pinag-uusapan sa naturang issue. Kung wala umanong pagkakaiba ang level 1 sa level 2, wala na umanong pag-uusapan pa upang sikaping maibalik sa dating kategoriya.
Matatandaang, unang lumabas ang impormasyon sa pahayagang ito ang naging findings ng Department of Health (DOH) na hindi umano nakapasa sa mga requirements sa level 2 standard ang EBMC, partikular sa usaping personnel, mobile ex-ray at machine sa laboratory kung kaya’t binigyan ito ng mababang lebelo.
Nagkaroon din umano ng motion for reconsideration ang pamunuan ng EBMC, subalit hindi ito pinaburan ng kagawaran, kung kaya’t epektibo noong Setyembre 2, 2019 bumagsak sa level 1 ang naturang hospital. Una ng pinabulaanan ang impormasyon ito ng pamunuan ng EBMC, subalit kinumpirma naman ito ng tanggapan ng DOH.
Ilan sa mga suliraning tinuran ng bokal ay ang tungkol sa clinical deficiencies ng hospital kung saan bumagsak din sa mas mababang reclassification ang EBMC. Paliwanag ni Zafe, maari umanong magsagawa ng operasyon ang hospital dahil maraming magagaling na duktor na kayang mag-opera. “Pero ang tanong, reliable ba ang mga kagamitan sa loob ng Operating Room?”
Kaugnay nito, kumbinsido si Zafe na tanging reversion ng EBMC sa pangangasiwa ng National Government ang sasagip sa krisis ng nasabing pagamutan.
Ayon kay Zafe, nakatakda siyang maghain sa Sangguniang Panlalawigan sa ang isang resolusyon para sa reversion ng EBMC sa national government sa tulong nina Lone District Cong. Hector Sanchez at TGP Partylist Jose Teves, Jr. para isulong sa kongreso ang nasabing hakbang.
Samantala, dahil sa kakulangan ng mga personnel, nanawagan si Palmes sa mga nurses sa lalawigan na ibahagi ang kanilang propesyon at maging empleyado ng EBMC. Ayon sa opisyal nangangailangan ang EBMC ng 32 nurses maging doctor upang matugunan ang requirements ng DOH. Isa umano sa mga dahilan kung bakit kulang ang taker sa mga nurses dahil sa mababang sahod.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bicol Peryodiko, karamihan umano sa mga nurses ngayon ay nasa DOH dahil mataas ang sahod bagamat hindi ito permanente.
Sinisikap umano ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa pangunguna ni Acting Governor Shirley Abundo na maibalik sa dating level ang naturang pagamutan bago dumating ang buwan ng Enero. (Ramil Soliveres/Ferdie Brizo)