San Andres, Catanduanes – Inamin ni Sangguniang Bayan member at SP Ex-officio Allan Del Valle na hindi sakop ng lokal na pamahalaan ng San Andres ang regulasyon sa pamasahe ng mga tricycle na bumabyahe sa national road patungong Virac.
Ayon sa opisyal, tanging magagawa lamang nila ang pakiusapan ang mga tricycle para sa presyo ng pamasahe ng mga ito subalit hindi pwede nilang i-regulate dahil wala sa kanilang power ang poder nito.
Magkaganunpaman, makikipag-ugnayan umano sila kay Mayor Peter Cua para sa posibleng aksyon lalo na ang mungkahing libreng sakay sa mga commuters, kagaya ng mga estudyante at mga empleyado na nagtatrabaho sa Virac para maibsan ang problema ng mga ito.
Dahil sa bawal pang bumiyahe ang mga jeepneys mula sa San Andres patungong Virac vice versa, ang mga tricycle ang siyang pangunahing sasakyan ng mga commuters sa bayang ito.
Dahil dito, umaaray ang mga commuters mula sa naturang bayan dahil sa sobrang taas ng singil na pamasahe na pumapalo mula 200-350 pesos na siyang malaking sakit ng ulo ng mga pasahero.
Ilang empleyado ang nagsabing, napupunta lamang sa kanilang pamasahe kung kaya’t ilan sa mga ito ay halos ayaw ng pumasok sa trabaho. Maging mga estudyante ay nagpaabot din ng reklamo sa usaping ito, lalo’t panahon ng enrollment.
Nanawagan ang mga ito na agarang aksyon ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Peter Cua upang maibsan ang kanilang dinaranas na problema. (Ferdie Brizo)