Bato, Catanduanes – Bagamat tutol ang National Electrification Administration (NEA) sa rekomendasyon ng Sangguniang Panlalawigan na isapribado ang FICELCO, pabor naman si Congressman Bong Teves sa mungkahing joint venture agreement o iba pang scheme ang gawin para sa ficelco.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Cong. Teves na sa anumang paraang legal para mabigyan ng kaukulang solusyon ang problema sa brownout sa lalawigan ng Catanduanes payag siya dahil matagal ng naghihintay ng sapat na kuryente at stable operation ang mga Catandunganon.
Matatandaang, nitong nakaraang linggo nang mailathala sa social media account ng FICELCO ang sagot ng NEA hinggil sa hindi pagpabor nito sa sulat ng SP na isailalim sa privatization ang kooperatiba dahil sa palpak na operasyon.
Ayon sa NEA, inadvisable ang mungkahing pagsasapribado dahil hindi pa naman naghihingalo (ailing) ang operasyon ng FICELCO sa kabila ng mga dinaranas nitong pagsubok dahil sa suod-sunod na bagyo.
Sa kabila nito, binanggit ng NEA na bagamat hindi pwede ang privatization, subalit merong mga options kagaya ng mga sumusunod: 1. joint venture, 2. Investment management contract, 3. Special equipment and material lease Agreement, 4, Concession agreement, at 5. Merger and consolidation.
Ayon kay Teves, ang kanyang pagiging vocal sa problema ng FICELCO ay dahil matagal na umanong panahong paulit-ulit ang sakit ng ulo ng mga mamamayan maging noong siya ay bagitong alkalde pa lamang sa bayan ng Baras. Inalala nito ang kanyang pag-imbita kay dating pangulong Gloria Arroyo at binigyang solution naman sa pamamagitan ng pagpadala ng power barge at pansamantalang nagkaroon ng solusyon sa problema.
Aniya, hindi niya naman sinisisi ang FICELCO dahil nalikha umano ito matagal ng panahon, kung saan iilan pa lamang ang bilang ng mga mamamayan at negosyo sa lalawigan. Sa ngayon aniya, halos maituturing na umuunlad na ang lalawigan at kailangan nito ng isang matibay na supplier ng kuryente para mas pang mapayabong ang pamumuhay ng mga mamamayan at negosyo.
Tila dinepensa naman ni Teves ang naging hakbang ng SP na sumulat sa NEA para ipanawagan ang privatization. Aniya, nag-ugat aniya ang rekomendasyon matapos humingi ng tulong ang FICELCO para sa 200 million worth of project sa rehab ng kanilang mga posrte at connection sa lalawigan.
Ayon sa solon, kung ganito kalaki ng pangangailangan ng FICELCO, hindi rin ito matutulungan ng lokal na pamahalaan dahil nangangailangan din ito sa kanilang mga basic services.
Dahil dito, dapat ngang tanggapin umano ng ficelco ang reyalidad na kailangan nila ng kaagapay at ang joint venture agreement umano ang makakatulong sa problema ng kooperatiba.
Nilinaw ng opisyal na nagkakataon lamang ang kanilang mga ideya at maging si kongresman Hector Sanchez ay may kapareho ring sintimiento sa bagay na ito. Ang mahalaga umano ay mahanapan ng solusyon ang matagal ng problema ng nag-iisang supplier ng kuryente sa Catanduanes.