San Andres, Catanduanes – Kalabuso ang 22 anyos na binata matapos masakote sa pamamagitan ng entrapment operation dahil sa reklamo ng dating kasintahan sa bayang ito.

Bago ang entrapment operation, unang dumulog ang isang 18 anyos at Grade 11 student na dalagita na itinago sa pangalang “ Rosana” sa himpilan ng PNP San Andres noong Hunyo 14, 2021 dahil sa pang-aabusong ginagawa ng kanyang dating nobyo.

Aniya, sapilitan siyang pinaghuhubad sa harap ng camera at pinapagawa ng malalaswang bagay habang pinapanood on-line ng mga parokyano nito na pawang mga banyaga.

Makailang ilang beses umano siyang binantaan ng dating nobyo na ipapakalat ang kanyang mga hubad na larawan at video kung hindi niya gagawin ang kagustuhan ng suspek.

Inilahad nito na kinse (15) anyos pa lamang siya nang unang masangkot sa ganitong gawain dahil na rin sa takot at kahihiyang maaring danasin kaya’t naging sunod-sunuran siya sa pinapagawa ng suspek.

Ayon sa biktima ang suspek mismo diumano  ang nakikipag-transaksyon sa mga parokyano gamit ang pekeng facebook account na nakapangalan sa kanya.

Kaugnay nito, masusing pinagplanuhan at ikinasa ng mga operatiba ng San Andres MPS at Provincial Cyber Crime Response Team ang isang operasyon pasado ala-una (1:00) ng madaling araw noong ika-15 ng Hunyo 2021.

Sa pagsalakay ng operatiba, inabutan nila ang biktima na nakahubad habang pinapasayaw at kinukunan video ng suspek. Arestado sa nasabing operasyon ang suspek na kinilalang si “Jessy Boy Cornejo”, laking Manila at naninirahan sa Palawig, San Andres.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay OIC Chief of Police Francis Tabo, mismong sa bahay ng suspek umano ginagawa ang naturang modus operation ni Cornejo. Kasama sa mga nakumpiska ay ang dalawang (2) cell phone, iba’t-ibang sim cards, dancing o disco lights at iba pang kagamitan.

Habang hinahaloghog ng operatiba ang bahay nang tumambad sa kanila ang isang (1) pakete ng hinihinalang marijuana at pitong (7) pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Dahil dito, patung-patong na kaso ang pananagutan ng suspek matapos  maisampa ng  San Andres PNP ang kaukulang kaso noong Hunyo 16, 2021.

Kasama sa mga ito ang kasong paglabag sa RA 9208 (Anti Trafficking in Persons Act) in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) at ang paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at RA 9262, Anti-violence against women and children.

Ayon kay COP Tabo, naniniwala umano siyang meron pang mga babaeng naging biktima ang suspek. Katunayan, meron umanong nagbigay ng impormasyon sa kanilang tanggapan na naging biktima rin ni Cornejo.

Hinikayat ng opisyal ang mga mamamayan na maging alerto laban sa pananamantala o pagsasakatuparan ng krimen on-line ng ilang pasaway. Aniya, dumulog lamang sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya upang agad itong maaksyunan katuwang ang Anti-Cyber Crime Unit ng probinsiya. (BP/CatPPO)

Advertisement