JINJIANG CITY, CHINA – Malaki umano ang posibilidad na magkadugo sina Catanduanes Governor Joseph Cua at ang pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal. Ito ay kasunod ng isang discovery na nagsasabing ang Chinese descendants ni Rizal ay may apelyido ring Cua at nanirahan sa isang nayon sa China kung saan nagmula ang pamilya ng gobernador.
Kamakailan ay nagtungo sa China si Gov. Cua kasunod ng isang paanyaya ng lokal na pamahalaan ng Jinjiang City.
Ayon kay Tourism Officer Carmel Garcia na kasama sa nasabing byahe, sa nasabing syudad nakatirik ang pinakamataas na rebulto ni Rizal na mayroon sa buong mundo na umaabot sa 18.61 meters, mas mataas sa rebultong nakatindig sa Luneta gayundin sa rebultong mayroon sa bansang Espanya.
Ang nasabing Rizal Shrine ay nakatirik sa Quanzhen City ng Jinjiang na nagsisilbing malaking atraksiyon sa nasabing lugar. Batay sa impormasyon, ang rebulto ay itinatag ng iba’t-ibang Cua Foundation kagaya ng Cua-Chua Family Association kung saan kasapi ang pamilya ng gobernador, ng Melanio Cua Fernando Foundation at ng isang Chinese journalist na isa ring Cua. Ito ay pinasinayaan noon sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Malapit sa nasabing shrine ay ang isang munting nayon ng Sionggue na sinasabing naging tahanan ng mga kaapu-apuan ni Dr. Jose Rizal, kung saan dito rin umano sa nayon na ito nag-ugat ang pamilya ni Gov. Cua. Katunayan, hanggang ngayon ay naroon pa umano ang matandang bahay ng mga abwelo ng gobernador.
Ayon kay Garcia, “Rizal traces his roots in China. His great paternal grandfather was named Cua Lamko, but when migrated to the Philippines, Rizal great paternal grandfather adapted Filipino name of Domingo Lamko.”
Highly industrialized umano ang lungsod ng Jinjiang na tinagurian ding Brand City ng China kung saan sa lugar na ito umano ginagawa ang matataas na brand name ng mga kasuotan at footwear ng bansa. Dagdag pa ni Garcia, sa inisyal umanong pakikipag-usap ni Gov. Cua sa mga pinuno ng Jinjiang, napag-usapan umano ang posibilidad ng partnership sa pamamagitan ng isang sisterhood relationship ng Jinjiang at Catanduanes. At dahil nga industriyalisado ang lugar, maari umanong makapagtungo ang ibang taga-Catanduanes doon upang magtrabaho.
Inaasahan din ang pagdating sa lalawigan ng mga opisyal ng Jinjiang upang personal din umano nilang mapag-aralan ang business partnership na maaring pasukin ng dalawang lugar. (RAMIL SOLIVERES)