Virac, Catanduanes – Matagumpay na naipanalo ng magkapatid na Joseph “Boboy” at Peter “Boste” Cua ang 2022 elections bilang gobernador at bise gobernador sa lalawigan ng Catanduanes.
Kapwa nilampaso ng magkatid na Cua ang kani-kanilang mga katunggali matapos makuha ang botong
101,838 para sa gobernador habang 110,049 para sa bise gobernador. Nakuha ng kanilang mga katunggali ang botong
51,967 kay Vice Gov. Shirley Abundo at 3,192 kay Randy Tanael. Pumoste naman ng 24,611 si Vice Gov candidate Natalio Popa habang 10,433 kay Atty. Rodel Abichuela.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko lubos na nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Vice governor-elect Peter Cua sa overwhelming support ng mga Catandunganon. Ayon sa kanya, gagawin niya ang lahat upang masuklian ng serbisyo ang naturang mga boto. “Gusto kong magpasalamat sa mga bumoto sa amin ni boboy, nakakataba ng puso ang inyong overwhelming support. Parehas ng ginawa ko sa bayan ng San Andres, gagawin ko ang lahat para mapaglingkuran ko ang mga taga Catanduanes”, paglalahad ng Vice Gov elect.
Kagaya ng kanya umanong ipinangako noong panahon ng kampanya, nais niya umanong maramdaman ng buong isla ang battlecry na “ Serbisyong No delay”. Nangangahulugan lamang umano ito na mabilis bibigyan ng solusyon ang mga pangangailangan ng mga mamamayan na hindi pinapatagal pa.
Sa panig naman ni Governor Cua nais niya umanong tutukan sa kanyang huling termino ang health services lalo na ang expansion ng EBMC para marami pang matulungan ang mga mamamayan.
Lubos na nagpapasalamat ito sa mga Catandunganon na buo ang naging tiwala ng kanyang kandidatura. Sa halalan umanong ito napatunayan na walang scientific basis ang tinatawag na jinx o malas sa ikatlong termino ng isang gobernador.
Matatandaang, ilang gobernador na ang laging napupurnada ang ikatlong termino dahil sa sinasabing jinx sa naturang pwesto. Si Cua at nasa ikalimang termino na bilang gobernador. Natalo siya bilang 3rd termer governor sana kay dating gobernadora Cely Wong at muling sumabak matapos ang pagkatalo.
Samantala, tila hindi naman umubra ang kampanya ng kanilang mga kalaban sa pulitika, partikualr ang issue sa political dynasty. Sa kampanya, parehong nagpahayag ng pangamb na sina Vice Gubernatorial candidate Atty. Abichuela at Popa dahil sa magkasabay na pagkandidato ng magkapatid sa provincial posts maliban pa ito sa kanilang economic power bilang may-ari ng malalaking kompanya sa lalawigan. Bagay na sinagot naman ng magkapatid sa mga candidates forums.
Ayon kay Peter, mananatiling critical vice governor umano siya subalit dahil kapatid niya ang gobernador, mas magiging madali ang komunikasyon upang maresulba kaagad ang problema. Isang collegial body umano ang Sangguniang Panlalawigan na ang desisyon ng mga panukala ay batay sa discretion ng bawaat isang SP member.
Samantala, kapwa naman nag-concede kaagad sina Gubernatorial candidate at outgoing Vice Governor Shirley Abundo, Atty. Rodel Abichuela at outgoing PBM Natalio Popa.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko sinabi ni Abundo na nagpapasalamat pa rin siya sa mga mamamayan particular sa mga nagpakita ng suporta sa kanyang kandidatura sa kabila ng kanyang pagkatalo. Ayon kay Abundo, hindi naman natatapos sa pulitika ang laban ng isang tao.
Umabot na rin umano sa labing walong taon (18) nanilbihan siya sa lalawigan sa iba’t ibang pwesto, kung kaya’t, nais niyang ilaan sa pamilya muna ang kanyang pribadong buhay. Naipakita niya rin niya umano sa publiko ang kanyang dedikasyon at nailapit ang pamahalaan sa mga mamamayan. Nagpaabot siya ng good luck sa mga nanalo. (Ferdie Brizo)