LEGAZPI CITY – Isang makasaysayang unang hakbang ang isinulat ni Kyla Jean Tablate para sa Catanduanes matapos niyang maitala ang kauna-unahang gintong medalya ng lalawigan sa weightlifting sa kasaysayan ng Palarong Bicol.
Sa 40-kilogram category, isang laban na puno ng tensyon at determinasyon ang hinarap ni Tablate sa kompetisyong ginanap sa Albay Central School. Hindi hadlang ang kakulangan sa kagamitan at limitadong preparasyon upang makamit ang tagumpay. Naungusan man siya ng isang puntos sa snatch lift ng kinatawan ng Tabaco City, hindi siya natinag.
Sa clean and jerk, buong lakas niyang binawi ang kalamangan ng kalaban matapos magtala ng 38 puntos laban sa 36—isang matatag na pagbawi na nagselyo sa gintong medalya para sa Catanduanes.
Hindi lamang ito simpleng panalo—ito ay isang makasaysayang sandali para sa lalawigan. Matatandaang noong 2023 Modified Palarong Bicol, naging kampeon na ang grupo ni Tablate nang ituring pa lamang na demo sport ang weightlifting. Noong 2024, tinanggal ito bilang event sa Palarong Pambansa. Ngunit ngayong taon, sa pagbabalik nito bilang regular sport sa Palarong Bicol, agad itong sinalubong ng gintong tagumpay mula sa Catanduanes.
Ayon kay Coach Emy Rose Vergara, naging katuwang niya ang kanyang asawang si Jason Vergara bilang trainer sa halos isang buwang puspusang pagsasanay. Sa kabila ng hindi kumpletong kagamitan, pinili umano ng atleta na ituon ang pansin sa disiplina, teknik, at mental na paghahanda—mga pundasyong nagbunga ng makasaysayang panalo.
Kasunod ng tagumpay ni Tablate, nagpatuloy ang ratsada ng secondary girls sa entablado ng Legazpi Sports Center.
Sa 53-kilogram category, mahinahon ngunit dominante ang ipinakitang performance ni Maryjoe Guerrero. Itinala niya ang 33 puntos sa snatch lift at 45 puntos sa clean and jerk lift upang masungkit ang panibagong gintong medalya para sa delegasyon.
Hindi rin nagpahuli si Jessica Desusa sa 53 plus category. Buong lakas niyang naiangat ang barbell sa snatch lift na may 40 puntos at sinundan pa ito ng 50 puntos sa clean and jerk lift—isang impresibong pagtatanghal na naghatid ng ikatlong ginto para sa girls’ weightlifting team.
Tatlong atleta. Tatlong entry. Tatlong gintong medalya. Sa kabila ng kakaunting kalahok, pinatunayan ng Catanduanes na hindi nasusukat sa dami ang tagumpay kundi sa tibay ng loob, kalidad ng paghahanda, at pusong palaban ng mga atletang patuloy na nagbibigay karangalan sa lalawigan.
Via DepEd | Francis Benedict | Bicol Peryodiko Integrated News




















