Virac, Catanduanes– Habambuhay na pagkakabilanggo at multang hindi bababa sa isang (1) milyong piso ang parusang iginawad ng hukuman sa tinaguriang shabu queen ng Catanduanes.

Matatandaang, Pebrero 2015 nang salakayin ng pulisya ang tahanan ni Cynthia Geromo sa barangay Cavinitan kung saan nasamsam sa posesyon nito ang tatlumpong pakete ng iligal na droga na may kabuuang timbang na 96.417 grams. Maliban sa kontrabando, nakumpiska rin sa nasabing shabu queen ang mahigit Php 130,000 cash, ATM cards at iba pa.

Nang basahan ng sakdal, naghain ng ‘not guilty plea’ si Geromo habang nagharap naman ng sampung saksi ang prosekusyon, at hindi nakapaghain ng anumang ebidensiya ang kampo ni Geromo sa kabuuan ng pagdinig.

Sa konklusyon ng husgado, masyado umanong overwhelming ang mga katibayang iniharap ng prosecution kabilang na ang object, documentary and testimonial evidences, at walang iniharap na anumang depensa si Geromo upang kontestahin alinman sa mga ito. Hindi rin pinasinungalingan ni Geromo ang testimonya ng isang pulis kung saan sinabi nitong, “Ibibigay ko sainyo ang lahat, huwag n’yo lang ituloy ang search.”

Sa ilalim ng Sec. 11 ang RA 9165, kamatayan ang parusang naghihintay para sa sinumang mahuhuling nagmamay-ari ng ganoon kadaming droga at multa na mula sa kalahati hanggang sa sampung milyong piso. Ngunit kaugnay sa suspensiyon ng death penalty sa bansa, ang habambuhay na pagkabilanggo ang pinakamataas na parusang maaaring ipataw ng hukuman sa akusado.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.