Gigmoto, Catanduanes- Sa Leyte natimbog ng pulisya ang isang most wanted person mula sa bayang ito.

Sa pinagsamang pwersa ng PNP Gigmoto, Pastrana at Lapaz sa Leyte, naaresto ang suspek na si Jesus Tolledo y Roranes o mas kilala sa alyas na ‘Talong’.

Sa Brgy. Limba, Lapaz, Leyte nasakote ang suspek noong ika-18 ng Oktubre, 2017 dakong alas-dos ng hapon sa koordinasyon sa mga Chief of Police na pinangunahan nina Ps/insp Voltaire Jun Pedido ng Pastrana, PCI Rey Cabelin ng Lapaz, Leyte Provincial Police Office.

 

Si PSI ENRIE B. ROCHA ang naging team leader ng grupo bitbit ang Warrant of Arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge ng RTC Branch 42 Lelu P. Contreras dahil sa paglabag sa kasong ‘slight physical injuries . Sa halip na harapin ang nasabing kaso ay tumakas ang suspek at nagpalamig sa Leyte subalit nadakip ito sa pagtutulungan na rin ng nabanggit na pulisya.

Sa ngayon, pansamantalang pinalaya ang akusado sa pamamagitan ng pagpiyansa bago mag-aplay ng probation.

Advertisement