Virac, Catanduanes- handa na ang Department of Education (DepEd) Catanduanes para sa Palarong Bicol 2018 na gaganapin ngayong buwan ng Pebrero sa Naga City.
Ayon kay Schools Division Superintendent Socorro Dela Rosa, inaprubahan na ng Provincial School Board (PSB) ang PHP13-million para sa Special Education Fund (SEF) for 2018 na magbibigay prayoridad sa sports development partikular na ang paglalaan ng pondo para sa naturang palaro.
Matatandaang, nitong nakalipas na taon kulelat ang lalawigan kumpara sa mga maliliit na lungsod at lalawigan dahil sa limitadong pondo at delegasyon dahil sa bagyong Nina.
“We will send athletes to other events other than those events that we have participated in last year,” ang pahayag ni Superintendent Dela Rosa. Dagdag pa ng opisyal, limitado lamang umano ang bilang ng mga delegadong ipinadala sa nakalipas na taon kung kaya’t sa taong ito, ang kanilang pamunuan ay nag-desisyong magpadala ng mas maraming atleta upang tugunan ang kakulangan ang maibangon mula ang sports ng lalawigan.
Sa katunayan magpapadala umano ng kabuuang 628 na delegasyon, kung saan, ito ay bubuuin ng dalawang daan at apat (204) na coaches, kasama rito ang apat na raan dalawampu’t apat (424) na atleta na siyang lalahok sa dalawampu’t tatlong (23) events sa elementary (boys and girls) level; tatlumpo’t tatlong (33) events sa secondary (boys and girls); at anim (6) na events sa paralympics (boys and girls).
Samantala, tiniyak ng opisyal na ang division ng Catanduanes ay hindi lamang aasa sa pondo ng SEF bagkus, magda-download umano mula sa iba pang mga pondo na gagamitin sa konstruksyon at pagsasaayos ng mga school buildings, educational research, at sa procurement ng mga reference materials at mga libro.
Lahat umanong programa, proyekto, at mga aktibidad na inaprubahan ng PSB ay base na rin sa revised guidelines sa paggamit ng pondo ng SEF upang matiyak ang episyenteng paggamit nito.
Kasama rin sa ilalim ng Sports Development Program ang paglalaan ng pondo sa mga sports equipments, pagsasasanay ng mga atleta buong taon, ang insentibo sa Palarong Panlalawigan para sa mga qualifiers sa Palarong Pambansa at ang maintenance ng athletic complex at swimming pool. (RD4/ Patrick Yutan)