Si Asec Malaya sa isinagawang forum on federalism sa CSU noong Pebrero 23, 2018

Virac, Catanduanes – Naging produktibo ang isinagawang Federalism forum sa Catanduanes State University (CSU) nitong Pebrero 24, 2018 na inisponsoran ng PDP-Laban Catanduanes sa pangunguna ni Congressman Cesar Sarmiento at ng Federated Student Council.

Dinaluhan ang naturang forum ng mga estudyante, local government officials at iba pang sector, kung saan dumalo rin ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bise Gobernador Shirly Abundo.

Pangunahing pandangal si Assistant Secretary Jonathan Malaya ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ipinakilala naman ni dating NTC Commissioner Jorge Sarmiento.

Sa kanyang pagharap sa mga dumalo sa forum, inilahad nito ang mga mahahalagang usapin na magiging sentro ng pagbabago sa Saligang Batas. Ayon sa opisyal, napapanahon ng rebisahin ang ilang bahagi ng Konstitusyon upang magkaroon ng malaking pagbabago sa pamamalakad ng bansa. Aniya, marami ng mga pangulo ang humawak sa pampanguluhan, subalit hindi pa rin nakakausad ang bansa. Ang nakikitang dahilan ay ang pagbabago ng sistema ng pamahalaan bilang isa sa nakikitang problema rito.

Sa panukala ng PDP Laban, sampung probisyon ng Saligang Batas ang kasama sa kanilang aamiyendahan. Panukala umano nila ang semi-presidential form of government kung saan katulad sa bansang Amerika ang panalo ng pangulo ay panalo rin ng kanyang kaalyadong pangalawang pangulo. Bicameral form pa rin umano, kung saan nandiyan pa rin ang House of Representatives at senado para sa prinsipyo ng checks and balances.

Magkakaroon din umano ng labing isang (11) regional states sa buong bansa, kung saan ang Bicol Region ay magiging isang estado. Sa paghalal umano ng mga senador ay magiging regional level na at magkakaroon umano ng tatlong senador sa bawat rehiyon upang magkaroon ng equal representation sa parliament maliban pa sa mga kongresista sa bawat lalawigan. Magiging centralized pa rin umano ang DILG at ang pamamahala sa Philippine National Police.

Binanggit din ni Asec Malaya ang consultative committee na siyang babalangkas ng mga panukala na nakabase umano sa timeline na ibinigay ng pangulo para sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa susunod na taon, kaya asahan umano na mailalahad na ang bagong panukala sa Saligang Batas.

Samantala, sa open forum pinutakti ng tanong si Asec Malaya. Kasama sa mga tanong tungkol sa isyu ng taxation. Ayon kay Mayor Sammy Laynes, kagaya ng panukala ni dating senador Joey Lina na bigyan ng pagkakataong makabwelo ang local autonomy ng mga local governments. Ayon naman kay Malaya, dahil sa centralized ang pamamahala kung kaya’t hindi umano pwedeng ibigay sa LGU ang kabaliktarang 20/80 pabor sa LGU dahil nakasentro sa Malacañan sa pamamahala sa lahat ng sangay ng gobyerno.

Kinuwestyon din ng ilang estudyante ang tungkol sa political dynasty at ang pagiging beholden ng mga lahislador sa kagustuhan ng liderato ng kamara. Ayon sa opisyal, kung nagawa umano ang anti-dynaty law sa panig ng Sangguniang Kabataan, hindi umano malayong maipatupad ito sa bagong Konstitusyon.

Ikinatuwa naman ni Asec Malaya at kongresman Sarmiento ang mainit na pagtanggap ng mga Catandungeno sa usapin ng Pederalismo. Ito na ang ikaapat na pagkakataong nagkaroon ng kaparehong forum sa lalawigan bilang bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte na maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng pagpapalit sa sistema ng pamamahala sa bansa.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.