Virac, Catanduanes – Tinanghal na kampeon ang Arduous Band sa kauna-unahang “FaziklaBand: The Battle of the Band” ng Radyo Peryodiko noong Marso 16, 2018 sa Virac Sports Center.
Ang FaziklaBand ay isang kompetisyon ng mga local band enthusiasts sa rehiyon bilang tampok sa ikalawang taong pagdiriwang ng Radyo Peryodiko, 96.7Fm bilang nag-iisang radio internet tv sa lalawigan ng Catanduanes.
Mahigpit at mainitan ang naging pagpasiklab ng mga kalahok kasabay ng kanilang kahanga-hangang paghagod ng mga kwerdas at iba pang instrumento na sinabayan naman ng dumadagongdong na hiyawan mula sa kani-kanilang supporters.
Ang naging kampeon na Ardous band ay binubuo ng limang miyembro kung saan ang bokalista ay si John Kim Belangel, kung saan siya ring itinanghal na kampeon sa Festival of Music na inilunsad para sa ikasampung anibersaryo ng Bicol Peryodiko noong Oktubre 24, 2017.
Tinanghal naman na first runner-up ang 13 colonies na merong 7,000 premyo. Sila ay binubuo nina Ralph Darlon Deinla-vocalist, Michael del Valle-rhytm, John Winston Isorena-bass, Mark Gonzales-drums at Prince Tito sa keyboard. Ang Barney and Friends naman ang naging 2nd runner-up na tumanggap ng 7,000 at 5,000 na premyo.
Kahit hindi nanalo ang ibang mga kalahok malaki naman ang pasasalamat ng mga ito sa oportunidad na maipakita ang kanilang talento bilang grupo. Kasama sa mga ito ay ang mga banda: Anxiety depression, Agathos Smokei, Yakkelt, Kwatro Sentido, Beams and cables, Dejavu, The Millennial Band, The Introvert Band and Unplug.
Ayon kay Station Manager Ferdie Brizo, magiging taunan na umano ang kompetisyon na ito dahil sa tagumpay ng unang pagtatanghal bilang pangunahing tampok sa kaarawan ng Radyo Peryodiko. Bahagi rin umano ito sa mga dahilan kung bakit merong Bicol Peryodiko at Radyo Peryodiko upang maging oportunidad sa mga talentadong Catandunganon na pumaimbulog sa kani-kanilang field of specialization.
Maliban sa music and entertainment, bahagi ng proyekto ay ang Print and Broadcast Academy ng Bicol Peryodiko na siyang nagbubukas ng oportunidad sa mga promising print and broadcast journalists. (Ulat ni Donnie Vic Tabirara)