Caramoran, Catanduanes – Arestado ang isang kagawad ng barangay kasama ang tatlong iba pa sa isang anti-illegal logging operation na isinagawa ng PNP sa barangay ng Camburo noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng Caramoran PNP, dalawang beses umanong nagbigay ng impormasyon sa himpilan ng pulisya ang ilang concerned citizens ng nasabing barangay kaugnay sa nangyayaring pagpuputol ng kahoy sa kanilang lugar.

Sa ikatlong pagkakataon na dumulog ang mga residente, kasama na umano ng mga ito ang mga opisyal ng kanilang barangay kaya napilitan umano ang mga kasapi ng Caramoran PNP na magsagawa ng isang anti-illegal logging operation.

Naaktuhan na nagpuputol ng kahoy gamit ang isang chainsaw, ang barangay kagawad na si Joseph Caballero, at mga kasama nito na kinilalang sina Gilbert Espiritu, Dioscoro Eubra, Edgar Fernandez at Agustin Trinidad na pawang residente ng bayan ng Pandan. Nasamsam mula sa kanila ang isang chainsaw at 71 flitches ng illegally-cut lumbers na umaabot sa 426 board feet.

Gayunman, pagkaraan ng 36 hours na pagkaka-ditine, pinalaya ang mga suspek. Katwiran ng pulisya, nahirapan umano silang maibaba ang mga ebidensyang kahoy kaya naantala ang paghahanda ng mga kaso. Ngunit tiniyak ng otoridad na isasampa ang kaukulang demanda sa pamamagitan ng regular filing of cases. Maliban sa paglabag sa pagpuputol ng kahoy, nahaharap din sa paglabag sa Chainsaw Act ang nasabing mga arestadong indibidwal.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.