Virac, Catanduanes – Simula na sa Abril 14 hanggang 20 ang pagfile ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at SK election ngayong taon.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay OIC Provincial Supervisor Amy Arrizabal ng Commission on Election (COMELEC) sa lalawigan ng Catanduanes, sinabi nitong wala ng sagabal pa sa halalan ngayong Mayo 14 taliwas sa mga agam-agam na posibleng muling maipagpaliban ito sa buwan ng Oktubre.

Matatandaang naaprubahan na sa House of Representatives and panukala, subalit hindi na ito nakahabol sa senado para maisabatas dahil sa kakapusan sa oras dahil pormal ng nagrecess ang session bago ang semana santa.

Ayon kay Arrizabal all set na ang kanilang mga opisina sa buong lalawigan para tumanggap ng mga nais maging bahagi election exercises.

Kasama sa mga makakaboto sa SK election ang mga may edad na 17 hanggang 30 anyos, subalit ang pwede lamang maging kandidato yaong 18 hanggang 24 taong gulang. Dagdag pa nito, dalawa ang magiging balota para sa mga qualified voters sa SK at Barangay election kung saan simple lamang umano ito at hindi komplekado.

Sa mga nais namang maging kandidato kasama sa mga dadalhin sa pagfile ng kandidatura ay ang limang (5) kopya ng Certificate of Candidacy at limang (5) copies ng latest photo sa nakalipas na anim na buwan at ang 3 documentary stamps.

Isa sa mahalagang mangyayari sa SK elections ay ang pinakaunang pagpapatupad ng anti-political dynasty law, kung saan kasama sa mga hindi pwedeng maging kandidato ay ang merong kapamilyang nasa 2nd degree by affinity and consanguinity. Ibig sabihin, kung ang anak, magulang, lolo at lola ay nakapwesto sa kaparehong munisipyo maging probinsya hindi siya pwedeng payagang kumandidato.

Kaugnay nito, nanawagan si Arrizabal sa mga nais maging bahagi ng halalan na asikasuhin na ang mga kailangan requirements para hindi mapag-iwanan sa darating na halalan.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.