Judge Contreras

Virac, Catanduanes – Naglabas ng sama ng loob ang Hukom sa lalawigan ng Catanduanes laban sa solon matapos kwestyunin ang proceedings at court decision sa kaso ng illegal logging sa Catanduanes.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko kay Judge Lelu Contreras noong Biyernes, Marso 23, sinabi nitong tila may halong malisya ang pahayag ni kongresman Cesar Sarmiento sa isang panayam sa peryodiko matapos kwestyunin nito ang mabilis na desisyon sa mga kaso ng illegal logging ganundin ang ongoing na kaso hinggil sa isang truck na ginamit sa pagtransport ng mga illegal na kahoy kamakailan.

Kasama sa kinukwestyon ng kongresista ay ang kaso na kinasasangkutan ng isang truck na pagmamay-ari ng Cua group companies na ginamit sa pagkarga ng illegal na kahoy na pagmamay-ari naman ng isang Engr. Guerrero.

Ayon naman kay Judge Contreras, bahagi umano ng proseso sa korte ang pagpasagot sa magkabilang kampo lalo na kung merong prayer sa isang usapin. Ito umano ay manipestasyon ng isang bargaining offer at hindi umano sa kanyang kamay ang desisyon kundi sa arresting officer at sa pahintulot ng prosecutor kung kaya’t pinasagot niya rin umano ito bago maglabas ng desisyon.

Samantala sa pinakahuling desisyon hindi pinayagan ng Huwes ang prayer ng kampo ng akusado sa pamamagitan ng abugadong si Leo Mendoza na ibig sabihin kompiskado ang truck pabor sa pamahalaan. Ayon sa Huwes, kung ang kalabaw umano na ginamit sa kaparehong kaso ay kanyang pinaimbargo pabor sa pamahalaan, ito pa kayang truck na accessories sa kaso.

Dagdag ng Huwes, nang makarating umano sa kanya ang impormasyon hinggil sa pahayag ng kongresista kanya umano itong tinext at hindi man lang sumagot kahit isang text kung kaya inihayag nito ang pagkadismaya sa solon.

Lumalabas umanong hinahaluan ng pulitika ng kongresista ang issue. Kailanman aniya ay naging patas siya sa kanyang trabaho batay sa mga ebidensyang inilalahad sa korte. Binigyang diin nito na iisa lamang ang kanyang kulay at ito ay kulay violet na siyang kulay ng hudikatura at walang kulay pulitika ang kanyang mga desisyon lalo pa’t 12 taon na siya sa lalawigan at apat na taon pa siyang mananatiling Huwes sa Catanduanes.

Dapat umanong malaman ng kongresista na naging mabilis ang proseso ngayon sa korte sa pagdinig ng mga kaso dahil sa mga bagong patakaran ng Korte Suprema at mga bagong batas na pinandayan mismo ng kongreso. Ang kanya umanong accomplishment, partikular ang humigit 177 cases nitong nakalipas na taon ay dahil na rin bagong proeso na tinatawag na continuous trial, maliban pa sa bagong Republic Act 10951 na nag-aamenda sa revised penal code hinggil sa threshold ng halaga na sangkot sa kaso, kung saan ang mga dating non-bailable offense at naging bailable na.

Dapat umanong alam ng kongresista ang mga proseso sa korte maging mga bagong batas dahil hindi lamang ito isang kongresista kundi isa pang abugado, maliban na lamang kung nakalimutan na umano nito ang kanyang criminal law.

Una ng naghain ng bill ang kongresista para imbestigahan ang malawakang illegal logging activities sa lalawigan ng Catanduanes at iba pang lalawigan sa buong bansa bago mag-recess ang kongreso nitong nakalipas na linggo.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.