Virac, Catanduanes – Pormal ng binuksan sa publiko ang pinakabagong Shrine sa lalawigan ng Catanduanes na tinawag na “Shrine of the Holy Innocents.
Pinasinayaan ang naturang Shrine noong Marso 22 ni Bishop Manolo A. Delos Santos na matatagpuan sa Barangay Santo Niño sa bayang ito kung saan ang brain child ay si Monsigñor Simon Peter Ignacio.
Ang shrine ay nasa bulubundukin at tahimik na lugar ng Barangay Santo Nino na pwedeng maging lugar para sa mga nais magdasal, pilgrimage at daily devotions. Ayon kay Mons Ignacio, maituturing aniya itong kakaiba sa lahat ng mga Shrine sa lalawigan ng Catanduanes kung hindi man sa buong Pilipinas dahil ang isa sa mga tampok na image dito ay si Mama Mary na nagdadalang tao pa lamang.
Matatandaang 2005 nang isagawa ang groundbreaking ceremony sa proyekto kung saan ang sculptor na si Beloy Asanza ang nagdesenyo at naging bahagi sa katuparan nito. Ikalawang kakaibang makikita sa shrine ay ang 24 stations of the cross kumpara sa ordinaryong labing tatlo lamang.
Sa isinagawang dinner for a cause noong Marso 21, malaki ang pasasalamat ni Mons Ignacio sa mga naging bahagi ng naturang proyekto na hindi lamang para sa mga katoliko kundi maging sa mga gustong magkaroon ng prayer activity at ibang religious events. Upang mapreserve umano ang alala ng kanilang mga magulang sa lugar kung kaya naisipan niyang patayuan ito ng shrine bilang bahagi ng kanyang pangarap sa lalawigan.
Itinuturing naman ng lokal na pamahalaan ng Virac at ng tourism office ng lalawigan ang bagong shrine na isang potential tourist attraction dahil sa kakaiba nitong features.