Sa loob ng Semana Santa pinagsikapan kong huwag munang pagtuunan ng pansin ang mga makalupang isyu o suliranin. Ito’y nararapat lamang bilang Katolikong Kristiyano o maging anong sekta ka man napapabilang, Ka-Peryodiko.

Dahilan dito, napapanahon at nararapat na pagtuunan natin ng pansin ang mga sinulat na ito ni Pastor Rick Warren. Sinulat niya: “Kung mayroon mang mga magulang na ilehitimo, walang ilehitimong anak. Kung may mga anak na hindi binalak ng kanilang mga magulang, ang mga anak na ito’y hindi aksidente sa paningin ng Diyos. Sa pagbubuo Niya ng layunin, isinaalang-alang ng Panginoon ang pagkakamali ng tao, at maging ang kasalanan.

“Walang ginagawa ang Diyos nang hindi sinasadya. Hindi Siya nagkakamali kailanman, at mayroon Siyang dahilan sa paglikha ng kahit anumang bagay. Ang bawat puno at bawat hayop ay binuo nang ayon sa plano ng Diyos, at ang bawat tao ay dinisenyo nang ayon sa layuning Kanyang iniisip. Ang motibo ng Diyos sa paglikha sa iyo ay ang pag-ibig Niya,” dagdag na paliwanag niya.

Sinasabi sa Biblia, “At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos. Iniisip ka na ng Diyos bago pa man Niya likhain ang daigdig. Iyon ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang planetang ito! Dinisenyo Niya ang buong kapaligiran upang dito tayo manirahan. Tayo ang sentro ng Kanyang pag-ibig at ang pinakamahalaga sa lahat ng Kanyang mga nilikha,” ayon sa kanya.

Mariing sinabi ni PRW: “Sinasabi sa Biblia, “Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang. Ganyan ka kamahal at pinahahalagahan ng Diyos.

“Ang Diyos ay hindi padalus-dalos sa Kanyang mga hakbang. Masusi niyang binabalangkas ang lahat nang may buong katiyakan. Kaya’t habang dumarami ang mga siyentopikong nag-aaral tungkol sa sansinukob, higit nating nauunawaan na akmang-akma ang mundo para sa atin. Ito ay sadyang ginawa para sa ating kapakanan at ayon sa mga katangiang kailangan para mabuhay ang tao,”pagwawakas na paliwanag ni PRW.

Sana maging makabuluhan, matiwasay at kaaya-aya ang pag-obserba natin ng “SEMANA SANTA,” mga Ka-Peryodiko. Kita-kits uli tayo neks isyu, mga katoto.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.