Patay ang isang 17-anyos na estudyante matapos itong malunod sa Twin Rock Beach Resort, Brgy. Igang, Virac, Catanduanes.
Ang biktima ay kinilalang si Jayhard SJ. Dela Rosa, 17-anyos, estudyante ng Pandan School of Arts and Trades o PSAT, at residente ng Brgy. Napo, Pandan, Catanduanes.
Ayon sa report, bandang alas-3:40 kaninang hapon ng makatanggap ng tawag ang Virac Municipal Police Station tungkol sa umano’y insidente ng pagkalunod sa nasabing resort. Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Virac MPS kasama ang duty investigator na si SPO3 Raymond Vidal para magsagawa ng inisyal na imbestigasyon sa nasabing insidente.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon na magkakasama umanong naliligo ang biktima kasama ang mga kaibigan nitong kinilalang sina Rioven DR. Trinidad at Whelming Escaro Jr. partikular sa bahagi ng diving board o spot ng resort. Tinangay ng malakas na agos ng tubig ang biktima at napunta ito sa malalim na bahagi ng dagat dahilan para ito ay malunod at hindi rin umano ito marunong lumangoy.
Sinubukan pa umano itong iligtas ng mga kaibigan ngunit nabigo ang mga ito. Agad din naman rumesponde ang Red Cross volunteers at dinala ang katawan ng biktima sa Eastern Bicol Medical Center o EBMC ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.
Sa ngayon ay patuloy ang follow up investigation ng mga otoridad sa nasabing insidente.( Radyo Natin Virac)