Virac, Catanduanes- Habambuhay na pagkakakulong ang ipinataw sa isang lolo matapos itong mapatunayang nagkasala sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations noong Mayo 9, 2018.
Sa sala ni Presiding Judge Lelu P. Contreras ng Regional Trial Court (RTC) Branch 43, guilty beyond reasonable doubt ang hatol kay Jesus Eustaqiuo, Sr. y Angulo, 64 anyos, residente ng Brgy. Bothoan, Caramoran, Catanduanes. Matatandaang napasakamay ng otoridad ang akusado sa bisa ng isang search warrant No. 2014-46 noong Disyembre 16, 2014 at masamsam mula sa posesyon nito ang sari-saring kalibre ng baril at mga bala dahilan upang hulihin ito.
Sa pagdinig ng kaso, depensa ng suspek na ang kapitbahay nitong si Juanito Domingo umano ang ilang beses na pumunta sa talyer nito sa tatlong (3) magkakahiwalay na panahon bitbit ang iba’t-ibang uri baril upang ipapakumpuni sa akusado subalit tinanggihan umano ito ni Eustaqiuo sa kadahilangang motorsiklo lamang umano ang kinukumpuni nito. Ilan sa depensa nito ang pagkakaroon umano nito ng hidwaan dahil sa isang babuyan at ang mga nakumpiskang mga baril at bala sa tindahan at nipa hut nito ay inilagay lamang ni Domingo, bagay na hindi pinaniwalaan ng hukuman.
Sa desisyon, ilan sa mga bagay na hindi pinaniwalaan ng hukuman ay ang pagkakumpiska umano ang mga iligal na items sa siyam (9) na magkakahiwalay na lugar dahil imposible umano itong ilagay ni Domingo sa bahay ng akusado. Ilan pa sa mga ito ay ang mga nakumpiskang baril ay loaded ng live ammunitions taliwas sa testimonya nito na magpapagawa lamang si Domingo ng improvised na baril. Ayon sa hukuman, kung magpapagawa lamang si Domingo ng improvised na baril ay sa lohikal na pag-iisip ay wala dapat itong lamang bala.
Dahil dito, base sa sobrang dami ng baril at balang nasamsam sa bahay ni Eustaqiuo, naniniwala ang humukan na ito ay isang armory at sa kabila ng alegasyon nito na nilagay lamang ito ni Domingo, ito ay nasa kanyang posesyon sa panahon na isilbi ang search warrant.
Samantala, ang parusa sa illegal possession and acquisition of firearms and ammunition ay reclusion temporal subalit sa kasong ito, nasamsam ang ilang baril na loaded ng live ammunition kung kaya’t na-appreciate umano ng korte ang isang aggravating circumstance at itinaas ang parusa nito sa reclusion perpetua dahilan upang hatulan ito ng nasabing parusa.