Virac, Catanduanes- Natanggap na ng Public Attorney’s Office (PAO) ang guidelines na inilabas ng Supreme Court kaugnay sa pinakabagong jurisprudence ng plea bargaining sa drug cases.

Sa isang legal consultation day na isinagawa ng PAO sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)- Virac District Jail noong Mayo 7, 2018, inilatag nina Atty. Christian R. Santonia at Atty. Edgar A. Vargas ng PAO ang mga panuntunan sa nasabing guidelines na nilagdaan ni Edgar O. Aricheta, ang Clerk of Court ng SC. Sa resolusyong ipinalabas ng Supreme Court na may petsang Abril 10, 2018 na may titulong “A.M. No. 18-03-16-SC (Adoption of the Plea Bargaining Framework in Drug Cases) base na rin sa pagbasura ng Korte Suprema En banc sa Section 23 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at idineklara itong unconstitutional dahil sa pagiging taliwas nito sa rule-making power ng Supreme Court sa ilalim ng Section 5(5), Article VIII ng Saligang Batas. Ito ay napapaloob sa landmark case na G.R. No. 226679- Salvador Estipona, Jr. vs. Hon Frank E. Lobrigo na may petsang Agosto 15, 2017.

Nakasaad sa simplified guidelines ng SC na maaaring makapag-plea bargain ang mga akusadong may kasong paglabag sa section 11 ng R.A. 9165 (possession of illegal drugs) na nakuhanan ng iligal na droga na mas mababa sa limang (5) gramo ng shabu, morphine, opium, heroin, cocaine o marijuana na mababa sa 300 grams. Maaaring patawan na lamang ito ng parusang 6 months and 1 day to 4 years imprisonment at multang aabot sa P10,000 hanggang P50,000 depende sa diskresyon ng korte mula sa orihinal na penalidad nito na 12 years and 1 day to 20 years of imprisonment at multang hindi bababa sa P300,000 hanggang P400,000. Subalit nakasaad rito na kahit maisilbi sa hindi ang maximum period of imprisonment, kinakailangang sumailalim ang mga ito ng drug dependency test. Kapag ang akusado ay umamin sa paggamit ng droga o tumanggi ito at kalaunan ay nagpositibo ito, isasailalim ito sa treatment and rehabilitation sa loob ng hindi bababa sa anim (6) na buwan. Ang nasabing gamutan at rehabilitasyon ay ibabawas sa pagkakakulong na posibleng ipataw dito at magkakaroon din ng after-care at follow-up program upang tiyakin na malinis na ang mga ito sa ipinagbabawal na droga.

Kaugnay nito, sakali man na magnegatibo ang mga akusado sa drug use/dependency, ito ay papalayain matapos maisilbi ang penalidad na ipinataw dito at kung hindi ay mananatili ito sa kulungan ngunit maaari naman itong mag-apply ng probation kung hindi pa ito nagamit ng akusado.

Gayundin ang mga akusadong nakuhanan ng limang (5) gramo o higit pa na hindi aabot sa sampung (10) gramo ng shabu, morphine, opium, heroin, o cocaine, maaari itong makapag-plea bargain sa mababang penalidad na 12 years and 1 day to 20 years imprisonment at multang aabot sa P300,000 hanggang P400,000 depende sa diskresyon ng korte mula sa orihinal na penalidad nito na 20 years and 1 day to life imprisonment at multang hindi bababa sa P400,000 hanggang P500,000. Hindi naman pinapayagan makapag-plea bargain ang mga akusadong nakuhanan ng higit sa 10 gramo subalit kaparehong plea bargaining naman sa marijuana na 300 grams at hindi aabot sa 500 grams habang hindi na papayagan ang marijuanang 500 grams o higit pa.

Samantala, sa paglabag naman sa Sec. 12 ng R.A. 9165 (possession of equipment, apparatus and paraphernalia for dangerous drugs), Sec. 14 (possession of equipment, apparatus and paraphernalia for dangerous drugs during parties, social gatherings, meetings) at Sec. 15 (use of dangerous drugs), pinapayagan na ang plea bargaining na 6 months na treatment and rehabilitation kung umamin ang suspek na gumagamit o tumanggi ngunit kalaunan ay nagpositibo ito at counselling program naman sa rehab center para sa mga akusadong nag-negatibo ditto mula sa orihinal na parusa nito na 6 months and 1 day to 4 years imprisonment at multang aabot sa P10,000 hanggang P50,000.

Maaari rin makapag-plea bargaining ang mga akusadong inakusahan ng paglabag sa Sec. 5, R.A. 9165 (Sale, trading, etc. of shabu) sa mababang penalidad kapareho sa paglabag sa Sec. 12 mula sa orihinal na parusa nito na life imprisonment to death at multang aabot sa P500,000 hanggang P10 milyong piso depende sa diskresyon ng korte kung ang nasamsam mula rito ay mula .01-.99 grams sa shabu at .01-9.99 grams sa marijuana. Napapaloob din dito sa mga kondisyong inilaan sa paglabag sa Sec. 11.  Wala namang inilaang plea bargaining sa mga mga nakuhanan ng 1 gram o higit pa sa shabu at 10 grams o higit pa sa marijuana.

Samantala, nakasaad rin sa guidelines na hindi umano papayagan ang plea bargaining sa mga kasong ang imposable penalty ay life imprisonment o kamatayan. Hindi rin pinapayagan ang plea bargaining sa mga kasong napapaloob sa pagbebenta ng iligal na droga maliban sa shabu at marijuana. (RD4)

Advertisement