VIRAC, CATANDUANES – Mahigit dalawang milyong pisong halaga ng hot lumbers ang naitalang nakumpiska batay sa inilabas na 2017 Accomplishment Report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Batay sa ulat, umabot sa  52 Anti-Illegal Logging operations ang naisagawa sa buong lalawigan kung saan hindi bababa sa 22,725.98 board feet ng iligal na kahoy ang nakumpiska na nagkakahalaga ng Php2,202,843.05.

Maliban dito, umaabot sa labing-tatlong (13) iba’t-ibang conveyances ang nasamsam ng otoridad mula sa motorsiklo, tricycle, topdown, bisekleta at trak. Walong piraso  naman na chainsaw ang nakumpiska.

Ang bayan ng San Andres ay nagtala ng  pinakamataas na bilang ng operations na umaabot sa labing-apat (14) na may kabuuang  8,111.27  total board feet o katumbas ng Php349,303.95. Sinusundan ito ng bayan ng Virac na merong walong apprehensions at  4,446 total board feet at nagkakahalaga ng Php193,757.25.

Sa munisipyo ng Pandan, nakapagtala ang DENR ng apat na operation at nasamsam ang 1,844 board feet o kaya’y Php84,040. Tatlong operasyon naisagawa sa bayan ng San Miguel na merong 268 board feet katumbas ng Php14,720.

Sa Caramoran, nakumpiska ang 2,324.63 board feet katumbas ng Php177,463. Sa bayan ng Baras, 1,547.35 board feet ang nasamsam ng otoridad na nagkakahalaga ng Php87,202.6. Sa Viga, 247 board feet na nagkakahalaga ng Php13,011. Sa bayan ng Bato, 248 board feet o kaya’y Php14,520. Sa Bagamanoc, 450 board feet katumbas ng Php24,080. At sa bayan ng Panganiban, nagkaroon lamang ng isang operasyon na merong 249.75 board feet or Php19,980. Walang naitalang accomplishment para sa Anti-Illegal Logging mula sa bayan ng Gigmoto.

Sa kabuuang operasyon, 22 ang naarestong personalidad samantalang 12 ang pormal ng nahatulan. Ang ilan ay may mga kasama ngunit hindi naitala sa ulat ng DENR. May mga kasong patuloy na dinidinig sa Korte, samantalang ang karamihan ay nakabinbin sa tanggapan ng  DENR Regional Office at sa tanggapan ng PNP.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.