VIGA, CATANDUANES – Pito katao ang inaresto ng pulisya sa patuloy na kampanya laban sa iba’t-ibang iligal na aktibidad sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa bayan ng Viga, arestado sina William Obal at Joel Obal matapos maharang ng mga operatiba ng 2nd PMFC CATPPO ang sinasakyan nilang Elf Truck na may plakang XFG 200 sa barangay ng San Isidro ng nasabing bayan na naglalaman ng hindi bababa sa 476.83 board feet ng hot lumbers.
Kaagad namang nasampahan nang kaukulang demanda ang mga arestado.
Samantala, sa bayan ng Panganiban, isang dump truck mula sa bayan ng Bagamanoc ang itinimbre ng isang concerned citizen na umano’y bumabiyahe ng iligal na mga kahoy. Nang magresponde ang pulisya, natunton nila ang nasabing sasakyan na may plakang CSP 950 na nakahimpil malapit umano sa RHU ng Panganiban at naglalaman ng hindi mga dokumentadong piraso ng kahoy.
Huli sa nasabing operasyon sina Ricky Bombase, Marjun Beo, Symon Sarmiento at Renato Talan na pawing residente ng Virac, gayundin si Zaldy Yusores na residente naman ng Caramoran. Naisampa na rin sa lima ang demanda sa pamamagitan ng inquest case proceedings at kasalukuyan silang naka-detine sa himpilan ng pulisya sa Panganiban.
Ayon kay PO1 Gomez ng Panganiban Police, sa paglalahad ng mga arestado ay sinabi umanong sa isang nagngangalang Amador Abichuela ang nasabing dump truck at ito rin ang kinikilala nilang amo.