VIRAC, CATANDUANES – Bahagi na ngayon ng Catanduanes Doctors Hospital, Inc.(CDHI), ang isang espesyalista sa Neuro Surgery na tinaguriang Ama ng Neuro-Surgery sa Mindanao.

Si Dr. Fred Vargas Abundo ay tubong Francia, Virac ngunit nagsilbi bilang Neuro Surgeon sa Mindanao sa loob ng 38 years. Sa nasabing lugar, siya ang kinikilalang ama ng neuro-surgery na sinusundo ng mga sasakyang panghimpapawid upang magsagawa ng operasyon mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Mindanao.

Nagtapos siya ng Doctor of Medicine taong 1975, samantalang 1979 nang sumailalim siya ng Neuro-Surgical training. Ayon kay Dr. Abundo, nasa training pa lamang siya ay nag-oopera na siya ng mga ulo at least 2 patients per day, at nang makapagtapos siya ng training ay ipinadala siya ng DOH sa Mindanao.

Sa loob ng 38 years ng kanyang Neuro-Surgery practice, hindi umano nakalimutan ni Dr. Abundo ang sinabi ng kanyang ama na maglingkod siya sa lalawigan ng Catanduanes.

“That’s why when Raymond Taopa asked me to help this CDHI project, I gladly accepted. I attended the soft opening of CDHI on September last year and I brought the ashes of my father at ipinalibing ko dito sa Virac, with a promise na tutuparin ko ang kanyang kahilingan na maglingkod sa aking kababayan.”

Noong Hulyo 15 nang isagawa ni Dr. Abundo ang kauna-unahan niyang pagbiyak ng bungo sa CDHI sa katauhan ng isang kawani ng CSU na si Engr. Torio mula sa bayan ng Panganiban.

Kwento ng misis ni Torio, paalis na sana sila para sa operasyon sa St. Luke’s nang dumating naman sa CDHI si Dr. Abundo mula sa Mindanao. Ayon kay Dr. Abundo, “The next 30 minutes for Engr. Torio is crucial kaya pinigilan na naming ang kanyang pag-alis.”

Kinaumagahan pagkatapos ng operasyon, dumidilat na, nakakapagsalita na at kumakain na si Engr. Torio. Labis-labis at maluha-luha sa pasasalamat ang buong pamilya.

Fifteen days sa bawat buwan maglilingkod si Dr. Abundo sa CDHI. At bilang pagmamalasakit sa kanyang kababayan, idineklara niyang 50% ng kanyang Professional Fee ay idu-donate niya para sa CDHI upang makatulong sa operasyon ng nasabing pagamutan.

Samantala, si Dr. Abundo ang ikalawang espesyalista sa Neuro-Surgery na naglilingkod ngayon sa kababayang Catandunganon sa pamamagitan ng CDHI. Una nang ipinakilala ng pagamutan si Dr. Jose Elmer Arevalo Meceda na nagsagawa ng kauna-unahang neuro-surgery sa lalawigan ng Catanduanes na nasundan ng ilan pa.

 

 

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.