QUEZON CITY – Muling kinalampag ni Congressman Cesar Sarmiento ang mga ahensiya ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) kaugnay sa malawakan at hindi maresolbang brownout na umiiral sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa budget hearing na isinagawa noong isang linggo, muling hinimok ng kongresista na silipin ng NEA ang mga kontrata ng power provider sa Catanduanes. Ayon sa kanya, tatlong IPP ang naglalaro ngayon sa lalawigan, una ay ang CPGI na pag-aari ng isang pribadong kompanya, ang NAPOCOR at ang SUWECO.

Kwento ng kongresman sa nasabing public hearing, magbuhat nang matapos ang kontrata ng CPGI sa Daihatsu genset noong Oktubre ng nakaraang taon ay hindi na umano ito nakakapag-suplay pa ng kuryente hanggang sa kasalukuyan, gayong hanggang 2022 pa ang kontrata nito bilang power provider ng Catanduanes.

Kaugnay nito, inusisa ni Sarmiento ang NEA kung ano ba ang mga rekomedasyon na binuo ng nasabing ahensiya na maaring gawin ng FICELCO Board laban sa CPGI. Ayon sa NEA, nagbigay na rin umano sila ng order upang tingnan ang concern ni Sarmiento.

“Something has to be done the soonest possible time to address the power concern in Catanduanes. As I speak right now, brownout po ang aming probinsiya,” wika pa ni Sarmiento. Inilahad din nito ang mga reklamo ng member-consumers tungkol sa pagkakasira ng mga kagamitan dahil sa patay-sinding suplay ng kuryente at gayundin sa mababang boltahe na nakakarating sa mga kabahayan. Sa halip umanong 220V ang isinusuplay ng FICELCO ay 170V lamang ang nakakarating, dahilan upang magkaroon din ng malawakang destruksiyon sa mga appliances.

“We cannot even attract tourists dahil sa power problem na ito,” dagdag pa ng kongresista. “That is why I am looking forward for the immediate signing of an Executive Order to address the power crisis not only in Catanduanes but also to all the non-performing Electric Cooperatives in the Philippines.”

Nangako ang DOE at NEA na tutugunan ang kahilingan ng kongresista.

 

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.