VIRAC, CATANDUANES – Anim na buwang suspensiyon ang ibinaba ng tanggapan ng Ombudsman laban kay Gov. Joseph Cua

Batay sa reklamo, mga kasong Abuse of Authority, Conduct Pre-Judicial to the best interest of the service, Dishonesty and Grave Misconduct ang kasong kinakaharap ng gobernador, kung kaya’t habang nasa proseso, pansamantala itong sinspendido upang hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon na isasagawa ng Ombudsman.

Noong nakaraang taon nang ipagharap ng mga nasabing kaso ang gobernador ng isang residente mula sa Barangay ng Sta. Elena dahil sa umano’y pagpapagamit ni Cua sa bakanteng lote sa tabi ng Landbank sa E.R. Construction na wala umanong authority mula sa Sangguniang Panlalawigan. Ayon sa reklamo, ang ginawa ng gobernador ay isa umanong uri ng pagmamalabis sa kapangyarihan.

Noong Biyernes ng umaga nang dumating sa tanggapan ni Gov. Cua ang mga kinatawan mula sa DILG National, Regional and Provincial Offices upang ihain ang nasabing kautusan ng Ombudsman. Bagaman wala sa kanyang tanggapan ang gobernador, ang Ombudsman Order ay tinanggap ng kanyang Executive Assistant na si Ms. Joy Balbin.

Ayon kay DILG Provincial Director Uldarico Razal, siya man umano ay nagulat sa biglang pagdating ng kanyang mga superior para sa ganoong sadya. Gayunman ay kasama siya ng mga opisyal ng DILG sa pagsilbi ng nasabing Order. Ayon kay Razal, ang Ombudsman Order ay magkakabisa sa sandaling matanggap ito ng tanggapan ni Gov. Cua.

Kasunod nito, isang Memorandum mula rin sa DILG ang inihain kay Vice Governor Shirley Araojo Abundo kung saan ipinaalala kay Abundo ng nasabing ahensiya sa batay sa Rule of Succession ay kailangan niyang maupo bilang Acting Governor. At bilang pagtupad ditto, agad nagpalabas ng kauna-unahang Memorandum si Abundo para sa lahat ng Heads of Office sa buong lalawigan upang ipaalam ang kanyang pag-upo sa posisyong Acting Governor effective January 11.

Amin ni Abundo, masyado umano siyang nabigla sa bilis ng pangyayari at hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin umano siya makapaniwala.

Samantala, sa pakikipag-usap ng pahayagang ito sa mga kinatawan ng tanggapan ni Gov. Cua, hindi nila itinanggi ang natanggap na suspensiyon. Ayon kay Prince Subion, agad naman silang nag-coordinate sa tanggapan ni Vice Governor Abundo para sa posibleng transition. Dagdag ni Subion, ginagawa ng legal team ni Gov. Cua ang lahat ng posibleng magawa upang ma-recall ang Ombudsman Order.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.