VIRAC, CATANDUANES – Emosyunal na humarap sa Sangguniang Bayan ng Virac ang kapatid at sister-in-law ng 19-year old na umano’y biktima ng panggagahasa.

Sa Inquiry na ipinatawag ng Sanggunian, isinalaysay ni Regine Toledo (sister-in-law) ang mga kaganapan mula noong Disyembre 8, 2018. Aniya, umaga pa lamang ay nagpaalam na ang biktima na dadalo sa debut party ng isang kaibigan. Ayon kay Regine, bihira naman lumabas ang kanyang hipag kaya agad umano siyang pumayag.

Disyembre 9 ng umaga, inihatid umano sa kanilang tahanan ang biktima ni Joan Rodriguez at napansin niyang may mga dugo sa suot na pantalon ang biktima. Buwanang dalaw ang idinahilan ng biktima. Ngunit kinahapunan, dumating ulit si Joana at sinabing dadalhin nito sa manggagamot ang biktima. Bumalik nang halos madilim na at may dalang iba’t-ibang klase ng gamut.

Ayon kay Regine, hindi umano nawawala ang ‘regla’ ng kanyang hipag, napapansin din niyang maputla na ito, matamlay at hindi nawawalan ng lagnat. Kaya noong Disymbre 14, niyaya niya ang biktima na sumama sa kanya sa Rural Health Unit ng Virac upang mapatingnan. Agad umanong tumanggi ang biktima at sinabing OK siya.

Disyembre 16, hindi na umano makalakad ang biktima. Si Victor Samson, Kuya ng biktima ay balak sorpresahin ang kanyang pamilya noong Pasko. Mula sa Maynila, dumating siya sya sa Tabaco port hapon na noong December 24 at wala nang biyahe. Napilitan siyang sumakay ng maliit na Bangka patungong San Andres kaya nakahabol siya sa Noche Buena.

“Pagbungad ko ng bahay, si Baby ang una kong hinanap,” kwento ni Victor. “Nakita ko siyang matamlay, maputla at hindi masigla. Alam ko mayrong hindi magandang nangyayari sa kanya.” Ngunit kinabukasan pa umano niya napilit ang kapatid na magtapat sa kanya. “Sinabi niya sa akin na na-rape siya”, paglalahad ng kapatid.

Pasko nang dalhin nila ang kapatid sa EBMC. Ayon kay Dr. Marjorie Lamban, ang Chief of Clinic ng nasabing pagamutan, ang kaso ng biktima ay nai-refer nila sa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Ruel Evangelista. Dahil sa pamumutla ay nagkaroon umano ng blood transfusion sa biktima.

Samantala, December 27 nang magpunta si Victor sa himpilan ng pulisya upang mai-blotter ang nangyari sa kanyang kapatid. Ngunit ayon sa Kuya, tinanggihan siya ni PO3 Maria Victoria Manlangit ng WCPD ng Virac MPS. “Sabi niya dapat daw ang kapatid ko ang magpa-blotter dahil kung ano ang magsasalita ang lahat daw ay tsismis lang. Sabi ko sa kanya, nasa ospital ang kapatid ko. Ang sagot niya, hintayin na lamang daw na gumaling at saka na ang blotter.”

Sa ikalawang araw ng pananatili ng biktima sa EBMC nang malaman ng pagamutan na may rape incident na nangyari sa kanilang pasyente kaya agad ini-refder ang biktima sa pangangasiwa ni Dr. Marian Lianko-Tresvalles, isang OB-Gyne.

Ayon kay Dr. Tresvalles, agad niyang sinuri ang biktima. Ang mga laceration sa bungad ng hymen ng biktima ay halos pagaling na, ngunit ang mga malalalim na laslas sa pinakaloob ng pwerta ay ang siyang pinagmumulan ng pagdurugo.

“She has lacerations or mga hiwa sa loob ng kanyang hymen, about 3cm long, left and right of the vaginal wallings, which caused the bleeding,” ayon sa manggagamot.

Dakong hapon noong araw ding iyon nang sumailalim sa isang operasyon ang biktima. Ayon sa duktor, maraming tahi ang kanilang ginawa at sadyang mahirap talagang masugpo ang pagdurugo. Ganoon pa man, ayon kay Dr. Tresvalles, para sa kanya, naging matagumpay ang kanyang procedure.

Ngunit namatay ang biktima 2:30 ng hapon noong January 4. Sa unang report ng EBMC sa cause of death ng biktima na iniulat sa mga pulis, Anemia secondary to bleeding secondary to classical wall laceration secondary to sexual assault ang ikinamatay ng biktima. Ngunit sa inquiry ng Sangguniang Bayan, sinabi ni Dr. Tresvalles na Heart failure ang nagging sanhi ng pagkamatay. Pero sa Death Certificate na inilabas ng ospital ay may lung concerns naman na nakasaad as cause of death.

Samantala, ayon kay Virac MPS OIC PSI Ariel Buraga, nasa New Year’s leave siya noong unang magtungo sa himpilan ng pulisya ang kapatid ng biktima. Nakita rin niya ang negligence ng nasabing WCPD personnel.

“Kasi dapat, ang pulis ang nagtungo sa ospital upang kuhanan ng impormasyon ang biktima, and then papirmahin.”

Sa inquiry naman ng Sangguniang Bayan, binanggit ni San Isidro Village Punong Barangay Rudy Tolentino na dapat ang EBMC umano, upon learning, ang nagreport sa otoridad.

Dumating din sa nasabing inquiry si CNHS Principal Eusebio na nagpahayag ng pagkalungkot sa sinapit ng isa sa kanilang mag-aaral.

Advertisement