Virac, Catanduanes- Ilang buwan matapos payagan ng Korte Suprema ang mga akusado sa drug cases na makapag-plea bargain sa mababang penalidad, magkapatid ang unang na benepisyuhan nito sa Catanduanes.
Sa naging desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 43 presiding judge Judge Lelu P. Contreras, pinayagang makapag-plea bargaining ang magkapatid na Ryan at Ritchie Delos Reyes, nasa tamang edad at residente ng Baras, Catanduanes. May kasong paglabag sa Sec. 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 noong Enero 30, 2019 matapos itong sumailalim sa drug dependency test.
Sa nasabing pagdinig, hindi lalagpas sa pagkakakulong ng dalawang (2) taon ang hatol para sa kaso sa ilalim ng Sec. 12. Samantala, nakakulong ang magkapatid nang mahigit 2 taon na kung kaya’t served sentence na ito. Para naman sa kasong Sec. 11, hinatulan ang mga ito ng anim (6) na buwang rehabilitasyon sa Balay Silangan na pansamantalang nasa Gigmoto District Hospital dahil sa pagkakasunog ng dating Provincial Jail na siya umanong nakatakdang gawing Balay Silangan.
Ito ang pinaka-unang drug case na nagkaroon ng plea bargaining sa lalawigan na inaasahang darami pa sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, nagpalabas na ng panuntunan ang Korte Suprema sa mga allowable violation na maaaring maka-avail ng sabing plea bargaining. Sa guidelines, pinapayagan lamang ng korte ang mga may kaso ng paglabag sa Sec. 11 (possession) at 12 (possession of drug paraphernalia) na may ebidensyang hindi lalagpas sa 5 grams kung shabu at 300 grams kung marijuana. Hindi naman pinapayagan ang mga akusadong may kaso ng Sec. 5 (selling) at 6 (drug den).
Samantala, laking-pasalamat naman ng magkapatid na nabigyan ng pangalawang pagkakataon at nangangakong hindi na gagamit ng iligal na droga at makikipagtulungan sa mga programa ng pamahalaan na may kinalaman sa iligal na droga.
Nag-ugat ang nasabing plea bargaining noong Agosto 2018 nang paburan ng Supreme Court ang mga akusado na makapag-plea bargain sa kaso ng Estipona vs. Judge Lobrigo. Sa kasong ito, hiniling ng akusado na makapag-plea bargain batay na rin sa desisyon ng Korte Suprema sa mga heinous crimes tulad ng murder at rape na makapag-plea subalit sa droga ay hindi.
Ayon kay Judge Contreras, consent ng arresting officer at conformity ng prosecutor ang kailangan para magkaroon ng plea bargaining agreement. (RD4)