VIRAC, CATANDUANES – Sa pamamagitan ng isang Press Statement na inilabas noong nakaraang linggo, isinapubliko ni PCL-Catanduanes President PBM Juan Velchez ang kanyang pag-atras sa kandidatura bilang Board Member ng East District.

Ayon kay Velchez, bilang isang solid supporter ni suspended Gov. Cua, personal umano siyang nagdesisyon na i-atras ang kanyang laban upang bigyang-daan ang kandidatura ng kanyang mga kalaban na nagpahayag din ng suporta kay Cua. Pinangalanan ni Velchez sina Mayor Robert Fernandez ng Panganiban, sina Board Members Lorenzo Templonuevo, Arnel Turado at dating Board Member Edwin Tanael. At bilang supporter ni Cua, ilalaan niya umano ang kanyang buong panahon sa kampanya nito na hindi umano niya lubos na magagawa kung siya ay kandidato rin.

Nagpasalamat si Velchez sa mga mamamayan ng Bagamanoc sa tiwala at suporta na ipinagkaloob sa kanya sa halos dalawampung taon ng kanyang paninilbihan para sa nasabing bayan. Ayon sa kanya, sa desisyong wakasan ang kanyang career sa pulitika, patuloy pa rin umano siyang magkakaloob ng tulong para sa kanyang mga kababayan. Pinasalamatan din niya ang kanyang mga kasamahan sa PCL, ang kanyang pamilya, maging si Congressional candidate Hector Sanchez sa umano’y pagpili sa kanya na maging katulong din nito sa isasagawang kampanya para sa nalalapit na halalan.