VIRAC, CATANDUANES – Pinagpapaliwanag ni Acting Governor Shirley A. Abundo ang isang regular employee ng kapitolyo na naaresto noong nakaraang linggo matapos maaktuhan ng kapulisan na nagsusugal, kasama ang limang iba pa, sa loob mismo ng compound ng capitol at sa oras ng trabaho.
Sa isang sulat na ipinalabas ng tanggapan ng Human Resource office, inatasan ni Gov. Abundo si Roman Valera na magbigay ng paliwanag, sa loob ng 72 hours, kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kasong administratibo kaugnay sa kinasangkutan nitong paglabag sa Civil Service policies.
Sa anim na naaresto, tanging si Valera ang regular employee ng capitol samantalang pawang mga job order employees ang lima pang sina Eugenio Maroon, Jr ng Yocti, San Andres, Zaldy Olido ng Divino Rostro, San Andres; Ronald Ong ng Rawis, Virac; Raul Clemente ng Pajo Bagiuo, Virac; at Nestor Evan ng Sta. Elena, Virac.
Ayon kay Abundo, hindi na magkakaroon pa ng pagkakataon ang mga nasabing job order employees na naaresto na makapag-renew pa ng kanilang employment sa ilalim ng kanyang pangangasiwa. At isang araw bago ang pag-expire ng 72-hours palugit para kay Valera, kinumpirma ni Gov. Abundo na wala pa siyang natatanggap na tugon mula sa nasabing kawani ng gobyerno.Maliban sa sulat ng HR, personal din umanong pinagpapaliwanag ni Ms. Nelia Teves si Valera. Si Teves ang Head Office ng Agriculture Office kung saan naka-assign si Valera bilang organic personnel.