Bato, Catanduanes – Nag-apela ang pamunuan ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) na tulungan sila sa pag-apela sa National Power Corporation (NPC) na ituloy ang ipinangako nitong power barge.

Nitong Enero, unang napabalitang nangako ang NPC na dadalhin sa lalawigan ang 14.4 megawatts na power barge, subalit nitong nakalipas na linggo, kinansela ito sa hindi malamang kadahilanan.

Kaugnay nito, sinabi ni General Manager Raul Zafe na sumulat na sila sa NPC para ituloy ang naturang power barge dahil malaki umano ang maitutulong nito sa operasyon lalo na ngayong summer. Humingi na rin sila ng tulong sa SP upang sa pamamagitan ni Senator Sherwin Gatchalian ituloy ng npc ang paglagay ng power barge sa lalawigan.

Kagaya ng inaasahan, posibleng bumagsak ang supply ng SUWECO hydro at ng Balongbong Power Plant dahilan sa tag-init at lubhang kailangan umano ang shock absorber upang matugunan ang demand ng mga consumer lalo pat mainit ang panahon.

Sa kabila nito, nakakita naman ng liwanag ang FICELCO sa offer ng SUWECO hinggil sa offer nitong paglagay ng genset. Ikinagalak ni Zafe ang naging pasya ng SUWECO na gamitin pansamantala ang ilang genset nito upang magkaroon ng solusyon ang problema.

Subalit, ayon kay Zafe, kailangan pa umanong mapaaprubahan ito sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa provisional authority. Aniya aabutin lamang ng 2 megawatts ang naturang genset na masyadong kulang sa total demand ng lalawigan na umaabot sa 14 megawatts. Napag-alamang, walang dagdag na patong ang SUWECO sa offer nito na mapatakbo ang genset habang wala pang mapagkukunan ng suplay ang FICELCO.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.