San Andres, Catanduanes – Tahasang itinuro ni shabu lab self-confessed witness Ernesto Tabor, Jr. na si gubernatorial candidate Cesar Sarmiento at pamilya Wong ang nasa likod ng pamamaril sa kanya noong Abril 11, 2019.

Si Tabor ay humarap sa Bicol Peryodiko at iba pang kinatawan ng media sa Catanduanes, nagsabing binaril siya ng limang (5) beses noong umaga ng Abril 11, 2019 sa barangay Mayngaway sa bayang ito. Sa ikalima umanong putok ay nakatalon siya sa dike kayat siya’y nakaligtas. Paglalahad ni Tabor, na malaki ang kanyang kutob na ang pamilya Wong at Congressman Sarmiento ang nasa likod ng naturang insidente.

Ayon sa kanya, lumala umano ang mga banta sa kanyang buhay kamakailan nang maghain siya ng additional affidavit sa Deprtment of Justice (DOJ) kaugnay sa kaso ng shabu lab kung saan dito ay idinadawit na niya ang pangalan ni Sarmiento bilang nagbenta umano ng lupa kay Atty. Eric Isidoro, kung saan itinirik ang shabu lab. Dagdag pa ni Tabor, maliban sa mga death threat sa pamamagitan ng cellphone ay minsan na rin umanong napadalhan siya ng korona ng patay.

Sa kabilang dako, pinabulaanan naman ni Congressman Sarmiento ang akusasyon ni Tabor. Sa panayam ng Bicol Peryodiko, kinuwestiyon nito ang pagdawit sa kanya at ang timing ng paglutang nito kasama na ang pagdadawit sa kanyang pangalan sa operasyon ng shabu lab. Aniya, dapat imbestigahang maigi ito ng PNP upang malaman ang bupng katotohanan.

Duda si Sarmiento sa timing ng muling paglabas ni Tabor. Kinuwestyon din nito, kung bakit hindi lumabas noong imbestigasyon sa kongreso maging sa una niyang rebelasyon ang kanyang pangalan.

Kinu-konsidera umano niyang propaganda ito laban sa kanya. (Francis Benedict/Ramil Soliveres)

Advertisement