PD Abay

SAN ANDRES, CATANDUANES – Hindi naniniwala si PNP Provincial Director Paul Abay na shooting incident ang nangyari laban sa shabu lab self-confessed witness Ernesto Tabor, Jr. kamakailan.

Ayon kay PD Abay, iba ang mga isinalaysay ni Tabor sa panayam sa media kumpara sa report na nakalap ng San Andres PNP kaugnay sa nasabing pangyayari.

Si Tabor ay humarap sa Bicol Peryodiko at 0iba pang kinatawan ng media at sinabing binaril siya ng limang beses noong umaga ng Abril 11, 2019 sa barangay Mayngaway sa bayang ito. Sa ikalima umanong putok ay nakatalon siya sa dike kaya siya nakaligtas. Itinuturo niyang nasa likod ng nasabing pamamaril ang pamilya Wong at si gubernatorial candidate Congressman Cesar Sarmiento.

Lumala umano ang mga banta sa kanyang buhay kamakailan nang maghain siya ng additional affidavit sa DOJ kaugnay sa kaso ng shabu lab kung saan dito ay idinadawit na niya ang pangalan ni Sarmiento bilang nagbenta umano ng lupa, kung saan nakatirik ang shabu lab, kay Atty Eric Isidoro. Dagdag ni Tabor, maliban sa mga death threat sa cellphone ay minsan na rin umanong napadalhan siya ng korona ng patay.

Ngunit ayon kay Director Abay, hindi totoo ang mga kwento ni Tabor. Batay sa kanilang report, isang babae na nagngangalang Maria Abejo ng Sitio Tondo, Mayngaway ang nagpa-blotter sa pulisya na sinasabing nakakita ito ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo na huminto malapit kung saan umano siya nagsasalok ng tubig. Ang angkas ng motorsiklo ay bumunot umano ng baril saka nagpaputok. Wala naman umanong pinaputukan, basta lang nagpaputok saka humarurot papalayo.

“Kung siya ang pinaputukan, sa limang putok, imposibleng hindi siya tinamaan,” ayon sa Abay. “Kung siya ang target, hindi siya iiwanang buhay ng nagpaputok ng baril.” Limang basyo ng .45 caliber na baril ang narekober ng pulisya sa area.

Samantala, sa panayam kay Tabor na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ng araw na iyon at sinabi niyang nagpaalam siya kay Abay na patutungo siya sa Mayngaway. Si Tabor ay saksi sa isang malaking kaso at nasa ilalim ng kustodiya ng PNP. Pero ayon kay Abay, totoo umanong nagpaalam si Tabor pero hindi niya pinayagan.

Sa kabilang dako, kinuwestiyon naman ni Cesar Sarmiento ang timing ng paglutang ni Tabor at idawit siya sa kwento ng operasyon ng shabu lab.

Kinu-konsidera umano niyang propaganda laban sa kanya ang bagong mga deklarasyon ni Tabor.

Advertisement