VIRAC, CATANDUANES – Kasong paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code, as amended by RA 10591, o pagpapalsipika ng pampublikong dokumento ng isang kawani ng pamahalaan ang isinampa ni Punong Barangay Matthea Tablizo ng Brgy. Cavinitan laban kay Sangguniang Bayan Secretary Susan Isidoro.
Batay sa complaint-affidavit na isinumite ni PB Tablizo sa piskalya, mag-iikasiyam ng umaga umano noong Hulyo 12, 2019 nang dumating siya sa Sangguniang Bayan ng Virac upang dumalo sa preliminary hearing ng kasong administratibo na isinampa sa kanya ng ilang kagawad ng barangay Cavinitan.
Ayon kay PB Tablizo, pasado ikasiyam na ng umaga ngunit iilan pa lamang umanong konsehal ang nasa Sanggunian na kinabibilangan nina Jose Romeo Francisco, Robert Maullon, Reynante Bagadiong, ABC Pres. Hazel Isidoro at si Paolo Sales. Naroon na rin umano sina Cavinitan Barangay Secretary Donnie vic Tabirara at PAO Lawyer Atty. Tito Tonio. Ganoon pa man, kulang ang bilang ng mga konsehal upang simulan ang pagdinig.
Halos isang oras umano silang naghintay hanggang sa magsabi umano si SB Sec. Isidoro na wala umanong korum at maaring i-reset sa ibang araw ang preliminary hearing.
Ayon kay Tablizo, hindi lamang umano iyon ang unang pagkakakansela ng hearing dahil sa kawalan ng korum, kaya noong umaga ring iyon isinatinig niya ang kanyang sentimiyento sa isang morning public affairs program ng Radyo Peryodiko.
At habang nasa gitna umano siya ng interview, isang kawani ang Sangguniang Bayan ang nag-abot ng isang kapirasong papel sa staff ng Radyo Peryodiko, na nang basahin ng program host, iyon ay Minutes of the En Banc Hearing for the Preliminary Conference of the Administrative Case No. 001-2019 against Punong Barangay Matthea Tablizo Held at the Sangguniang Bayan Session Hall on July 12, 2019.
Nagulat umano si PB Tablizo kung papanong nagkaroon ng Minutes gayong walang nangyaring pagdinig. Sa nasabing radio program, umere din ang PAO Lawyer na si Atty Tonio na kinumpirmang hindi totoo ang mga nakasaad sa Minutes.
Sa nasabing minutes, mababasa ang una; ang umano’y pag-nominate ni Councilor Bagadiong kay Councilor Francisco bilang Temporary Presiding Officer na sinigundahan naman umano ni Councilor Maullon, ikalawa; ang pagtawag ni Coun. Francisco para sa preliminary conference ng nasabing administrative case.
Ayon kay PB Tablizo, “These items in the minutes are completely fabricated and bereft of any resemblance of truth. That the truth, there was no such proceedings that transpired, but Virac SB Sec. Isidoro made it appear that we had formal proceedings but in reality we were not even invited to enter in the SB Session Hall.”
Sa ilalim ng batas, ang Falsification by a public officer, employee or notary ay may katapat na parusang prison mayor at penalidad na hindi lalampas sa isang milyong piso sa sinumang mapapatunayang may paglabag sa, una; causing it to appear that persons have participated in any act or proceedings when they did not in fact participate, at ikalawa; making untruthful statements in a narration of facts.
Ayon sa reklamo ni PB Tablizo, ang ginawa ni SB Sec. Isidoro ay eksaktong paglabag ng batas. “She clearly caused it to appear that I have participated in the said proceedings, and by doing that she made intentionally untruthful statements in the narration of the facts in that document.”
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag si Isidoro sa naturang reklamo.