Virac, Catanduanes – Kinumpirma ni Vice Mayor Arlene Arcilla na pinag-uusapan na sa Sangguniang Bayan ng bayang ito ang panukalang lifting sa moratorium ng prangkisa.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ng bise alkalde na hawak na ng komitiba ni konsehal Reynante Bagadiong upang isailalim na ito sa kaukulang pag-aaral kung kelan at kung ilang prangkisa ang bubuksan.
Ayon sa opisyal umaabot na sa humigit kumulang tatlo hanggang apat na libo na ang prangkisa sa bayan ng Virac at kailangan umanong makuha nila ang eksaktong datus kung ilan ang aktibo at madetermina ang potential volume ng mga pasahero upang hindi rin masakripisyo ang negosyo ng mga ito.
Kinumpirma ni Arcilla na batay umano sa kanilang impormasyon, umaabot na sa humigit kumulang limang daana ng numero ng mga kolurom kung kaya’t ito rin ang inirereklamo ng mga legal na operators.
Samantala, pinuna naman ni Arcilla ang ilang sector, partikular ang nabigyan ng tricycle ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang pangkabuhayan na dapat nagsagawa muna ng konsultasyon sa kanilang tanggapan o iba pang stakeholders para napag-aralan ang naturang sitwasyon. Dapat umanong malaman na hindi sila pwedeng magbigay ng awtomatikong prangkisa sa sinumang hihingi anumang oras. Matatandaang hanggang 2022 pa ang moratorium sa pagbigay ng prangkisa bilang bahagi ng proteksyon ng lokal na pamahalaan sa mga legal na operators.
Sa kabila nito, malaki naman ang paniniwala ni Councilor Rosie Olarte, dating committee chair ng public utility 90% maisasabatas ang panukalang lifting sa moratorium ng prangkisa ngayong taon. Nasa ibayong pag-aaral umano sila upang ikunsidera ang naturang hakbang. (FB)