VIRAC, CATANDUANES – Binawi ng mga complainant ang reklamong administratibo na isinampa laban kay Cavinitan Punong Barangay sa Sangguniang Bayan dahil sa umano’y incapacity o walang kakayahan ng mga ito na kumuha ng mga abogado.
Buwan ng Pebrero nang maghain ng joint complaint-affidavit sa Sanggunian ang limang kagawad ng nasabing barangay na sina Adelina Pantaleon, Gil Alintana, Salvador Borja, Jr., Roger Magtangob at Angel Torres kung saan inakusahan nila ang Punong Barangay ng patung-patong na reklamo ng katiwalian kagaya ng Grave Misconduct, Abuse of Authority at Serious Dishonesty.
Ayon sa mga kagawad, iligal ang pagbili ng barangay ng office supplies at iba pang materyales dahil hindi umano ito inaprubahan ng konseho at wala umano itong aprubadong pondo. Maliban pa ang umano’y iligal ding disbursement ni PB Tablizo ng Thirty Thousand Pesos na para sa honoraria ng mga Barangay Tanod at Day Care Workers. Sa Session ng council, inamin umano ng Kapitana na nagamit nito ang pera kaya hindi nakatanggap ng honoraria ang nasabing mga appointed barangay workers.
Ilang linggo na ang nakararaan nang isagawa ang preliminary conference kung saan nagkasundo ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan na isailalim sa preventive suspension si PB Tablizo.
Kaugnay niyan, nabuo ang resolusyon ng Sanggunian. Ayon sa resolusyon, pagkaraan umano ng ebalwasyon ng Sanggunian sa reklamo at sa tugon ng respondent, “It was determined that there is a reasonable ground to believe that the offense charged is committed, the evidence of guilt is strong and that the continuance in the office of the respondent would pose a threat to the safety and integrity of the records.”
Ngunit sa hindi nabatid na dahilan, hindi naisilbi ng tanggapan ni dating Mayor Samuel Laynes ang rekomendasyon ng Sanggunian na isailalim sa suspensiyon ni Tablizo.
Sa session ng Sangguniang Bayan noong nakaraang linggo, inihain ng mga complainants ang kanilang manipestasyon kung saan sinasabing binabawi nila ang sakdal laban sa kanilang Kapitan, dahil sa umano’Y kawalan nila ng kakayahang kumuha ng serbisyo ng abogado.
Si PB Tablizo ay kinakatawan ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) kaya kailangang kumuha ng private lawyers ang complainants dahil ayon umano sa patakaran, hindi maaring maglaban-laban ang mga abogado mula sa iisang opisina.