VIRAC, CATANDUANES – Muling nagpalabas ng abiso ang Virac Water District (VIWAD) na posible umanong maranasan ng kanilang concessionaries ang total drought kung hindi magkakaroon ng ulan sa susunod na dalawang linggo.

Ayon kay VIWAD Manager Gabriel Tejerero, tuluyan nang natuyo ang dalawang water sources na nagsu-suplay ng tubig sa downtown ng Virac. Ayon sa kanya, tanging ang tubig mula sa Cawayan source ang kasalukuyang pinaghahati-hati ng lahat ng consumers ng Virac.

Sa mga naunang pahayag ni Tejerero, sinabi niyang masagana ang tubig mula sa Cawayan source, at hindi umano ito matutuyo sa umiiral na El Nino. Ngunit sa eksklusibong pahayag noong nakaraang linggo, pati ang Cawayan source ay nasa kritikal level na rin umano.

“Kapag naubos ang tubig sa Cawayan, wala nang tubig ang Virac,” pahayag ni Tejerero. Kung wala umanong ulan na babagsak sa susunod na dalawang linggo, seryusong tagtuyot ang umano’y mararanasan ng Virac.

Ganoon pa man, nakaalerto na umano ang Red Cross maging ang MDRRMO na mag-proseso ng tubig mula sa ilog para maging tubig-inumin ng publiko. Mayroon din umano silang minamadaling water pump, ngunit hindi pa rin umano natatapos.

Sa kasalukuyan, tinitiyak pa rin ni Tejerero na sa loob ng 24 hours ay may darating na tubig sa lahat ng barangay na inaabot ng kanilang linya.

“Kahit tigda-dalawang oras, ang importante ay dumating.” Kaya nananawagan siyang maging matyaga sa pagbantay hanggang sa dumating ang suplay ng tubig.

Advertisement