SAN ANDRES, CATANDUANES – Isang sentensiyadong bilanggo ang nadiskubreng wala nang buhay sa loob mismo ng kanyang selda sa San Andres District Jail noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) San Andres, mag-iikalima ng umaga noong Abril 21 nang makitang tila unconscious sa loob ng isolation cell ang preso na kinilala sa pangalang Michael Santelices, 21 taong gulang at residente ng barangay Tilod sa munisipyo ng Baras.

Inuga umano nang inuga ni JO1 Mark Lester Barra si Santelices ngunit ito ay irresponsive, walang malay at nang i-check ang vital signs nito ay wala na umanong pulso. Ganoon pa man, isinugod ang biktima sa JMA Hospital kung saan ito idineklarang Dead on Arrival ni Dr. Aly Romano.

Ayon sa BJMP, isolated ang selda ni Santelices dahil sa malala nitong sakit na tuberkolosis, ngunit diin ng ahensiya, ang nasabing preso ay nasa proseso ng medikasyon upang malunasan ang karamdaman. Hinala ng BJMP ay hindi na tinatanggap ng sistema ni Santelices ang uri ng mga gamut na iniinom nito.

Samantala, ayon sa mga nakakakilala sa biktima mula sa barangay ng Tilod, posible rin umanong nasa ilalim ng depresyon si Santelices. Ito ay kasunod ng sentensiya sa patung-patong na kasong rape, sexual assault and Acts of Lasciviousness kung saan mahigit dalawampong taong pagkakulong ang ipinataw dito ng korte.

Advertisement