VIRAC, CATANDUANES – Kinumpirma ni District Engineer Gil Augustus Balmadrid ng DPWH-Catandunaes Engineering District ang paglulunsad ng kauna-unahang proyekto sa lalawigan ni Cong. Hector Sanchez upang matugunan ang kakapusan sa suplay ng tubig lalo na sa panahon ng tag-init.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kina Balmadrid at VIWAD Manager Gabriel Tejerero, nakapag-outsource nba umano ng inisyal na 100-M budget si Cong. Sanchez upang simulan ang isang malaking dam kagaya ng mga dam na pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Central Luzon at Metro Manila.
Kwento ni Balmadrid, pagkakabitin ang dalawang bundok na hinahati ng Cawayan source at batay sa isinagawang pag-aaral ng mga eksperto mula sa DPWH at VIWAD Engineers, kabilang ang commissioned engineers ni Sanchez, ang nasabing higanteng dam ay kayang mag-ipon ng tubig na aabot sa 200 LPS (Liter Per Second). Sapat na sapat umano ito upang matugunan, twenty-four hours, ang supply ng tubig sa lahat ng VIWAD consumers na sa kabuuan ay nangangailangan lamang ng 150 LPS.
Ayon kay VIWAD Manager Tejerero, kapag nabuo ang proyektong ito ay hindi na umano magkukulang sa suplay ng tubig ang Virac maging sa panahon ng tagtuyot.
Magugunitang sa pagbubukas ng 18th Congress, dalawang panukalang batas ang inihain ni Sanchez sa kongreso. Ito ay ang ipinangako niyang paglutas sa problema sa kuryente sa pamamagitan ng submarine cable establishment at ang water system establishment sa rural areas.
Bagaman hindi pa tiyak kung kelan magsisimula ang proyekto, pero ayon kay Balmadrid nakahanda na umano ang plano at nangangailangan na lamang ng go-signal mula sa kongresman.