VIRAC, CATANDUANES – Isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Catanduanes kasunod ng pinsalang hatid sa lalawigan matapos hagupitin ng bagyong Tisoy noong Disyembre 2-3.

Sa inisyal na report ng damages, nakapagtala ang PDRRMC ng mahigit 246 milyong pisong halaga ng pinsala sa Agrikultura at Imprastraktura sa buong lalawigan.

Sa Agrikultura, mahigit 110 milyon ang halaga ng pinsala sa Abaca kung saan mahigit walong libong (8,000) ektarya ng abaca area ang nasalanta. Sa Riceland, halos dalawang libong (2,000) ektarya naman ang napinsala na nagkakahalaga ng halos sampung milyong piso (10M). Sa Niyog, 4,697 na ektarya ng niyugan ang nasira na nagkakahalaga naman ng halos labing-apat (14) na milyong piso. Sa Gulayan, mahigit isang daang ektarya ang nasira na may kabuuang mahigit 17 milyong halaga ng pinsala.

Sa iba pa na kinabibilangan ng mga produkto ng saging, root crops, fruit trees, Lasa, Anahaw at Pili, umaabot naman sa mahigit dalawang-libong (2,000) ektarya ang na-damage na may estimate value na mahigit pitumpong (70) milyong piso.

Sa Fisheries, 18 units ng motorized at non-motorized na bangka ang nasira na may kabuuang halaga na 820,000 pesos. Umaabot din sa 17 sites ng fishpond ang nasira na may halagang mahigit isang milyong piso. Mahigit tatlong milyon naman ang halaga ng fishery and agriculture damages mula sa iba’t-ibang lugar na pinangangasiwaan ng Provincial Government ng Catanduanes kasama na ang pagkakasira ng Capitol Farmville, PDFFN, OA Techno Demo, Salt Making Project at Tilapia Hatchery. Sa Poultry and Livestock, nagkaroon lamang ng mahigit kalahating milyong halaga ng pinsala.

Samantala, mahigit 17 milyon naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura. Sa datos ng PDRRMC, iba’t-ibang danyos ang hinatid ng bagyong Tisoy partikular sa road networks kung saan naitala ang washed out roadbeds, clogged drainage systems, landslide at damage slope protection.Nasira rin ang bubong ng San Miguel Municipal Police Station, gayundin ang dalawang silid-aralan mula sa bayan ng Bato samantalang tuluyang nasira ang ilang school buildings sa barangay Dororian sa Gigmoto, seawalls at iba pa.

Advertisement