Virac, Catanduanes – Labis labis ang pasasalamat ng konseho ng Barangay Casoocan sa bayang ito matapos ang isinagawang 3-months feeding program ng Helping Hands Worldwide Services, Incorporated.

            Umaabot sa dalawamput walong (28) malnourished children ang nabiyayaan ng naturang programa na nagsimula noong Oktubre 7. Mismong si President and Chief Executive Office Milagros Gonzales Vazquez ang nanguna sa launching ng programa kasama ang mga volunteers at Sangguniang barangay ng Virac sa pangunguna ni Punong Barangay Alex Guerrero.

            Nagtapos ang feeding program noong Disyembre 24 kung saan masasabing naging matagumpay ang programa na isinagawa bawat sabado at linggo sa pamamagitan ng mga helping hands volunteer sa pangunguna ng Provincial Coordinator Brenda G. Brizo.

            Naging madamdamin naman ang pasasalamat at papuri sa biyayang ibinigay ng Helping Hands Worldwide Services, Inc. lalo’t  higit ito umano ang pinakauna na pinakamahabang pagpapakain sa mga bata. Naniniwala naman si PB Guerrero na magkakaroon ng epekto ang libreng pakain sa mga bata sa mga susunod na araw. Maging mga magulang ng 28 mga bata ang taus pusong nagpasalamat sa Helping Hands Worldwide Services, Inc. sa naturang pagpapakain.

            Layunin ng naturang programa upang maiangat ang kalidad ng kalusugan ng mga bata at mabigyan ng sapat na pagkain. Ang Municipal Social Welfare mismo ng lokal na pamahalaan ng Virac ang nagrekomenda ng naturang benepisyaryo. Maliban sa pagkain, nais ding pasundan ng bitamina ang mga bata para tuloy tuloy ang pag-angat ng kanilang kalusugan. Sa pinakahuling impormasyon, sinabi ni PB Guerrero na meron din na sunod na programa ang lokal na pamahalaan para sa naturang mga bata para tuluyang masolusyonan ang malnutrisyon.

            Ipinaabot naman ni Mayor Posoy Sarmiento ang pasasalalamat sa effort ng Helping Hands Wordwide Services, Inc. dahil sa naturang pamamaraan nagkaroon umano sila ng partner sa pagresulba sa ganitong uri ng problema.

            Ang Helping Hands Worldwide Services, Inc. ay isang Filipino- American organization na nakabase sa Tennessee, USA. Pangunahing layunin nila ang makatulong sa iba’t ibang uri ng pamamaraan. Ito ay limang taon ng nagsasagawa ng mga humanitarian activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa kagaya ng medical mission, pagpatayo ng silid-aralan, deep well, school supplies, feeding program at iba pang aktibidad batay sa pangangailangan ng isang lugar.

            Ang Helping hands ay isa sa mga namahagi ng tulong noong Typhoon Nina sa barangay Abihao sa bayan ng Baras kaakibat ang Bicol Peryodiko. Bawat taon ay meron itong programa para sa ilang piling paaralan kasama na feeding program sa mga barangay. Nitong Oktubre 2019 namahagi rin ng school supplies at gift giving sa Cagraray Elementary School annex 1 and 2 sa bayan ng Bato sa kooperasyon ng lokal na pamahalaan ng Bato sa pangunguna ni mayor Johnny Rodulfo. Oktubre rin naipatayo ang jetmatic  sa barangay Sto. Domingo sa bayan ng Virac.

            Labis naman ang pasasalamat ni Helping Hands Worldwide Services Inc. founder Fidel Pinote at iba pang opisyal sa kooperasyon ng mga barangay councils at lokal na pamahalaan ng Virac maging sa mga residente sa mainit na pagtanggap at appreciation sa munting tulong.

            Ayon kay Ginoong Pinote na tubong Bisaya, sa kabila umano ng kanilang pagod sa kani-kanilang trabaho sa ibang bansa, naipapaabot nila ang simpatiya at pagmamahal sa mga mamamayan. Isa umano itong kampanya bilang payback time sa lugar na pinanggalingan.

Advertisement