VIRAC, CATANDUANES – Mariin ang naging pagtutol ni DILG Sec. Eduardo Año sa kusang pagbabalik sa pwesto ni Gobernador Joseph Cua noong  Enero 15.

Ayon sa kalihim, ang suspension order na ipinataw ng Ombudsman sa gobernador ay patuloy na umiiral hanggang April 2020. Kaugnay nito, kinikilala pa rin ng ahensya si Vice Governor Shirley Abundo bilang Acting Governor ng lalawigan.

Magugunitang noong Enero 15, 2020, nagpalabas ng isang Memorandum si Cua kung saan ipinapaalam niya na siya ay nagbabalik na sa tungkulin bilang pinuno ng lalawigan. Ang nasabing Memorandum ay walang kalakip na anumang dokumento o kautusan mula sa Ombudsman o DILG na nagbibigay pahintulot sa kanyang pagbabalik sa kapitolyo.

Ayon kay Sec. Ano, “Hindi pwedeng i-upo niya ang kanyang sarili. That is unauthorized tantamount to usurpation of authority which can be another case against him if he insists. He has to serve the one year suspension imposed by the Ombudsman which is due up to April 2020 and only the DILG is authorized to re-install a suspended local government official”, paglalahad ng kalihim.

Iginigiit ng kampo ni Cua ang nakasaad sa Sec. 66 (b) ng Local Government Code at sinasabing tapos na umano ang termino ng gobernador kung saan ito’y napatawan ng sentensiya. At ang pagkakahalal muli dito noong May 2019 elections ay panibagong termino na hindi dapat saklawin ng suspension mula sa nakaraang termino.

“Gov. Cua was reelected to the same position, took his oath of office on June 30, 2019. The law provides that each term of office is separate and distinct, thus the suspension cannot continue during his reelected term,” ayon sa abogado ni Cua na si Atty. Maria Nympha Mandagan.

Ngunit sa Memorandum ng DILG noong July 2019, sinagot na nila ang isyung ito kung saan sinabi na ang lahat ng nagsisilbi ng parusang suspension ay kailangan magpatuloy kahit pa sila ay muling nahalal at naiproklama sa nakaraang eleksiyon.

 “He cannot use the provision of Sec. 66 of the Local Government Code because his suspension due to a graft case was based on the power and authority of the Ombudsman pursuant to RA 6770”, dagdag pa ng opisyal.

Ayon pa sa abogado ni Cua, wala umanong jurisdiction ang Ombudsman na desisyunan ang violation of RA 3019 kagaya ng nakasaad sa Ombudsman Order dated April 29, 2019 kung saan nagkaroon ng kumbiksiyon si Cua.

“The suspension pertains to the findings of the Ombudsman of the offense of Gross Neglect of Duty and not for violation of RA 3019,” ayon sa abogado. “Violation of RA 3019 is within the jurisdiction of the Sandiganbayan and not within the competence of the Ombudsman. Thus, the suspension is not only premature considering a timely motion for reconsideration was filed but also the basis as stated in the Memorandum is not proper.”

Ganoon pa man, batay sa mga pahayag ni Sec. Ano ng DILG, malinaw na hindi na ito ang panahon para sa anumang pleadings dahil para sa kanila ay tapos na at nadesisyunan na ng Ombudsman ang kaso.

“I am warning him to vacate and wait until April,” babala ng kalihim sa gobernador.

Samantala, nakatakdang magpalabas ng kautusan ang DILG para opisyal na maisilbi kay Gov. Cua ang sinabi ni Sec. Ano na bakantehin nito ang pwesto.

Pinapayuhan din ng DILG ang lahat ng tanggapan at manggagawa ng gobyerno na huwag kilalanin si Cua bilang gobernadora hanggang matapos ang pagsisilbi nito ng parusang suspension sa Abril. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.