Virac, Catanduanes – Bilang tugon sa banta ng Novel Corona Virus (NcoV) ipinapatupad ngayon ang Thermal Scanning sa mga dumarating na pasahero lalo na sa paliparan ng Virac
Ito ang kinumpirma ni Provincial Health Officer Hazel Palmes sa panayam ng Bicol Peryodiko nitong Biyernes, Enero 31.
Ang hakbang umanong ito ay upang magkaroon ng precautionary measures at hanggat maaari ay hindi makapasok sa lalawigan ang kontrobersyal na virus. Matatandaang, Huwebes ng hapon, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na positibo sa corona virus ang isang turista mula sa China na isinailalim sa monitoring sa San Lazaro Hospital.
Bago ang naturang impormasyon, una ng nagpatawag ng pagpupulong si Acting Governor Shirley Abundo upang bigyan ng pansin ang preventive measures sa naturang nakaka-alarmang sakit.
Ayon kay Palmes, maliban sa airport, nagbigay din umano ng dikretiba si Abundo para sa monitoring ng mga border o mga entry points sa iba’t ibang lugar sa isla upang maiwasan ang pagpasok ng mga posibleng may bitbit na virus.
Pinawi ng opisyal ang pangamba ng karamihan dahil sa naturang sakit. Ayon sa kanya, maiiwasan umano ang ganitong sakit sa pamamagitan ng hygiene practice o ang pagpapanatili sa kalinisan sa mga kabahayan. Ugaliin umano ang paghugas ng kamay bago kumain, gumamit ng alkalde at mga sanitizers, iwasan ang contact sa mga suspected patients, magkaroon ng proper disposal ng mga basura, takipan ang bibig sakaling umuubo, ugaliin ang pagkain ng mga masustansyang pagkain lalo na ang gulay paraa lumakas ang resistensya. Bitamina rin umano ang kailangan lalo na sa mga mahina ang resistensya.
Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na wala pang kaso o suspected patient sa lalawigan ng Catanduanes taliwas sa mga lumabas na ulat nitong Byernes ng hapon na merong taga Baras inoobserbahan sa EBMC. Halos nagkaroon ng panic buying sa mga face mask maging mga alcohol sa bayan ng Virac noong Biyernes dahil sa naturang impormasyon.
Samantala, naglagay na rin ng quantine area ang DOH Catanduanes sa bahagi ng EBMC sakaling merong mga dumarating sa lalawigan na merong mga sintomas. Ito umano ay oobserbahan sa loob ng 14 na araw. (fb)