VIRAC, CATANDUANES – Dahil sa umano’y direktiba ng Land Transportation Office (LTO) sa mga operator ng van na tanggalin ang mga carrier sa bubungan ng mga sasakyan, bumuwelta ang mga ito inakusahan ng pangongotong si LTO Virac Chief Gerry Navarez.

Sa letter-complaint Caramoran Pandan Transport Service Cooperative (CAPATRASCO) sa Sangguniang Panlalawigan noong nakaraang linggo, hinihingi ng grupo mula sa Transportation and Cooperative Committee Chairman  nasi PBM Arnel Turado na matulungan sila na umano’y masugpo ang mga hindi umano tamang gawain ni Navarez.

Bagaman may prangkisa na ang CAPATRASCO, aminado silang hindi pa narerehistro sa LTO ang kanilang mga sasakyan dahil sa umano’y original OR/CR na hinihingi sa kanila ni Navarez. Ayon sa kanila, ito ay imposibleng maibigay dahil nasa pag-iingat ito ng financing company ng mga bangko kung saan nila hinuhulugan ang mga sasakyan.

Sa mensahe ni Navarez sa Bicol Peryodiko, sinabi niyang ipinapatupad lamang umano niya kung ano ang hinihingi ng proseso. Maari naman umanong mag-issue ng Certification ang financing company ng mga bangko, pero duda si Navarez na magiging malinis ang ilalabas na papel ng mga bangko.

“Dahil ang mga sasakyan na ito were applied for private use,” ayon sa kanya. “May problema talaga sila.” Iginiit ni Navarez na isa pa umano sa ipinuputok ng mga operators ng CAPATRASCO ay ang kautusan niyang tanggalin ang mga carrier sa bubungan ng sasakyan.

“We have been receiving reports/complaints na nagsasakay din sila ng pasahero sa topload,” dagdag pa ng LTO Chief. “Hindi po ito pwede. Registered ang carriers, but common sense should tell them na hindi ito lalagyan ng mga pasahero. Sa ibang mga problema, alam nila iyan, I have been considerate sa kanila. Huwag naman sana nilang abusuhin ang aking pakikisama”, paglalahad ng opisyal.

Sa letter-complaint, ibinuhos din ng CAPATRASCO operators ang umano’y mga pagbibigay nila ng pera kay Navarez sa tuwing may nahuhuling sasakyan ngunit walang kapalit na official receipts.

Ang akusasyong ito ay mariing pinabulaanan ni Navarez. “Kahit kalian, kahit piso, wala akong hiningi sa kanila.” (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.