VIRAC, CATANDUANES – Isang liham ang ipinadala ng FICELCO sa tanggapan ni Acting Governor Shirley Abundo noong nakaraang linggo na humihiling na mapayagan ang koop na magsagawa ng meter reading sa member-consumers at magbukas ang kanilang collection centers para sa mga gusting magbayad ng kanilang power bills.

Kaugnay sa umiiral na ECQ, kanselado rin ang ilang aktibidad ng FICELCO kagaya ng meter-reading at paniningil sa mga miyembro. Ito ay upang matupad ang social distancing na nakapaloob sa ECQ ganoon din upang ma-realign pansamantala ang budget ng consumers mula sa pambayad sa power bills para sa pangangailangang pagkain ng bawat pamilya.

Ngunit inamin ng FICELCO na lubha na umanong apektado ang kanilang operasyon mula nang isuspendi nila ang collection para sa March billing. Idagdag pa ang restoration expenses ng koop kaugnay ng Bagyong Tisoy noong Disyembre kaya inamin ni FICELCO General Manager Raul Zafe na nasasaid ang finances ng koop. Dagdag niya, nakapag-file umano sila para sa isang 20-M loan para lamang matustusan ang ilang mahahalagang gastusin ng kooperatiba.

Sa paghiling sa Acting Governor na mapayagan silang makapag-reading at makapaningil, patuloy na nangangako ang FICELCO na hindi naman umano sila magdi-demand ng bayad, kundi tatanggapin nila ang mga miyembro na kusang-loob na magbabayad ng power bills. Hindi rin umano sila hihingi ng anumang penalidad, at lalong hindi sila magpapatupad ng disconnections. Hiling nila, magbukas ang tanggapan ng kanilang Collection Centers at maghintay kung mayroong magbabayad.

Wala pang sagot ang tanggapan ng gobernador dahil kailangan pa itong isangguni sa Inter-Agency Task Force.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.