VIRAC, CATANDUANES – Inirekomenda ng Local Finance Committee (LFC) ng Catanduanes na pagkalooban ng rental holiday at diskuwento ang operator ng Center Mall dahil sa umiiral na Covid-19 pandemic.

                Nitong May 18, 2020 nang magpadala ng liham si Center Mall President and General Manager Joseph Lim kay Gov. Joseph Cua kung saan inilahad nito ang paralisadong operasyon ng Mall dahil sa implementasyon ng Community Quarantine mula ECQ, GCQ at MGCQ.

                Ayon sa sulat, naging limitado ang store hours ng mall at hindi rin umano nakapagbukas ang karamihan sa mga establisimiyento. Dagdag pa ni Lim, nahihirapan din ang management sa maintenance ng mga pasilidad ng Center Mall.

                Kaugnay nito, humingi si Lim ng kanselasyon ng buwanang rent mula Marso hanggang Mayo, gayundin ang reduction of rent mula Hunyo hanggang Disyembre.

Mula sa kabuuang P5.5-M pesos na renta mula Marso hanggang Disyembre (550 Thousand bawat buwan), hiningi ng Center Mall Management na maibaba ito hanggang sa P1.6-M na lamang.

                Ngunit sa pag-aaral ng LFC, lumabas na mataas ang tax holiday at diskwento na hinihingi ng Center Mall Management. Ganoon pa man, naglabas sila ng kwentada upang tugunan ang apela ng operator. Batay sa kalkulasyon ng LFC, nagrekomenda sila ng 50% discount para sa buwan ng Marso o kaya ay magbabayad ang Mall ng renta na kalahati ng 550 Thousand pesos. Sa buwan ng Abril, zero rent ang inirekomenda ng LFC, 75% discount naman para sa buwan ng Mayo, 50% discount para sa buwan ng Hunyo at 25% discount mula Hulyo hanggang buwan ng Disyembre.

                Ang pagtugon ng LFC sa panawagan ng Center Mall ay alinsunod na rin sa RA11469 na mas kilala sa ‘Bayanihan To Heal As One Act’ na ang layunin ay mapagaan ang pasanin ng bawat isa sa panahon ng umiiral na krisis.

                Nasa komite na ng Ways & Means ang rekomendasyon ng LFC upang mapag-aralan at kung sakali ay maaprubahan ang naturang panukala.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.